(NI BERNARD TAGUINOD)
OOBLIGAHIN ang lahat ng mga itatayong gusali, subdivision at iba pang kahalintulad na imprastraktura sa Metro Manila na magtayo ng kanilang rainwater harvesting facilities upang maibsan ang baha sa panahon ng tag-ulan.
Walang tumutol nang isalang sa botohan sa House committee on metro manila development na pinamumunuan ni Manila Rep. Manuel Luis Lopez, ang nasabing panukala.
Umaasa ang nasabing komite na sa pagkakataong ito ay ipapasa na ng Senado ang kanilang hiwalay na bersiyon para maging batas ito matapos mabigo ang mga senador na maipasa ito noong nakaraang Kongreso.
Sa ilalim ng nasabing panukala, lahat ng mga itatayong gusali ay kailangang maglaan ng 1,500 square meter sa kanilang proyekto bilang pasilidad sa kanilang rainwater harvest.
Ganito rin ang gagawin ng mga developers ng mga bagong subdivision upang makontrol ang pagbaha sa Metro Manila at magamit ang tubig sa ibang bagay tulad ng pagdilig ng mga halaman.
Malaking tulong din umano ito kapag panahon ng tag-init dahil hindi na kukuha ng tubig ang mga tao sa kanilang grupo para pagdilig ng mga halaman o panghugas ng mga sasakyan at iba pa.
Kapag naipatupad ito, pagtutulungan ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) at Local Government Units (LGUs) ang pagmonitor sa kontruksyon ng rainwater harvesting facilities.
Hindi rin bibigyan ng building permit ang mga developers kapag hindi kasama sa plano ng kanilang proyekto ang rainwater harvesting facilities at simulan ang lalabag ito ay pagmumultahin ng P500,000 hanggang P2 milyon sa bawat taon na hindi naitatayo ang nasabing pasilidad.
