LAGUNA – Isang lalaki na pinaniniwalaang hiker, ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa tuktok ng isang bundok sa Calauan City sa lalawigang ito.
Batay sa report ng Calauan Police, nadiskubre ang bangkay ng hindi pa kilalang biktima habang nakabigti sa isang puno sa tuktok ng Mt. Calisungan sa Barangay Lamot 2 noong Huwebes ng umaga, Mayo 20.
Ayon kay Ambet Malabanan, tour guide, nakita nila ang bangkay bandang alas-6:30 ng umaga habang sinasamahan niya ang ilang hiker patungo sa tuktok ng nasabing bundok na nasa dalawa at kalahating oras ang layo mula sa jumping point ng barangay.
Tinatayang nasa 38 hanggang 44-anyos ang biktima na nakasuot ng asul na polo shirt at green jersey short at may taas na 4’10” hanggang 5’1″.
Wala namang nakitang anumang sugat sa katawan ng biktima kaya ayon sa pulisya ay walang foul play sa pangyayari.
Ayon pa sa tour guide, wala pa roon ang bangkay noong huling akyat nila noong May 17.
Patuloy pang kinikilala ang bangkay na nakalagak sa isang funeral home sa bayan ng Calauan. (NILOU DEL CARMEN)
330 