HINDI na bago ang naranasan ng mga journalist sa kaso ng namatay na si Christine Dacera.
Ang pagkuha ng impormasyon mula nang makarating sa mga journalist ang impormasyon sa krimen hanggang sa detalye galing sa mga pulis na may hawak ng kaso, hepe ng pulisya ng Lungsod ng Makati na si Col. Harold Depositar, sa direktor ng national Capital Region Police Office (NCRPO) na si Brig. Gen. Vicente Danao Jr., hepe ng Philippine National Police (PNP) na si General Debold Sinas, pamilya Dacera, mga politikong sina Senador Manny Pacquiao at ACT-CIS Rep. Eric Go Yap na naglabas ng pabuya tungkol sa imporasyon sa umano’y mga suspek na nagsitago at maging ang pahayag ng tatlo sa mga suspek na nakuha agad ng mga pulis.
Pati nga ang pananaw ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Harry Roque Jr. ang nakuhaan ng pahayag hinggil sa pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant ng eroplanong pag-aari ni Lucio Tan.
Pokaragat na ‘yan!
Kung baga lahat ng anggulo na puwedeng mapiga sa istorya ng pagkamatay ni Dacera ang hinagilap ng mga journalist.
Naiintindihan ko nang birahin ng ilang mambabatas ang PNP dahil sa pinaniniwalaan nilang palpak na imbestigasyon sa kaso at palpak na pagsasampa ng kaso sa labing-isang suspek.
Nauunawaan ko pa nang maglabas ng pabuya sina Pacquiao at Yap sa mga taong magbibigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng mga nagsitagong suspek.
Ang hindi ko maintindihan ay hiningan ng komentaryo pati si Roque.
Pokaragat na ‘yan!
Kahit abogado at opisyal na tagapagsalita ng pangulo ng ating bansa itong si Roque ay wala itong nalalaman sa sinapit ni Dacera.
Higit na mainam ay iyong mga kawani sa City Garden Hotel ang dapat na tinanong ng mga journalist hinggil sa naganap.
Syempre, walang dudang dapat lamang hindi tinatantanan ng mga reporter ang mga pulis na nag-imbestiga sa kaso, maging si Col. Depositar at iba pa upang maibalita ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Dacera.
Mahalagang malaman kung totoong ginahasa at pinatay, o hindi, si Dacera.
Iyan ang gustong mangyari ng pamilya Dacera.
Iyan din ang hangad ng labing-isang suspek.
At tiyak ako na maging ang mga Filipino na sumusubaybay sa kaso ay gusto ring malaman ang katotohanan.
Ang problema sa kaso ni Dacera ay hilong-talilong ang mga journalist sa PNP.
Hindi makuha ng journalists ang totoong pangyayari dahil magkakasalungat ng pahayag sina Sinas, Danao at Depositar.
Pero alam n’yo bang hindi na bago ang nararanasan ng journalists sa pagkuha ng balita mula sa PNP.
Noon pa man ay hilong-talilong na ang mga reporter, lalo na kapag mayroong “sadyang pinagtatakpang” kaso ang hepe ng pulisya ng lungsod, o bayan, na pinangyarihan ng krimen, o di kaya ay nagmamadaling makatanggap ng merito ang hepe ng pulisya at ang pinuno mismo ng PNP, o atat na atat purihin ng mamamayang Filipino ang PNP, kaya paspasang inaanunsiyong “lutas” na ang kaso.
Mayroon pa ngang mga kaso na tinataniman ng ebidensiya ang mga suspek, ngunit hindi na nabubusisi nang husto ng mga reporter dahil hindi kumpleto ang detalyeng makuha nila sa mga pulis na may hawak ng kaso.
Ang masama ay “fall guy” sa naganap na krimen ang isinusubo ng mga pulis.
Ang pinakamasahol ay literal na ayaw magsalita ng kahit sinong pulis hinggil sa kaso.
Ilan lamang ‘yan mga dahilan kung bakit mayroong mga pamilyang hindi nakatatanggap ng katarungan sa sinapit ng kanilang kamag-anak.
180 