MARK ROSALES KINILALANG NAGLAGAY NG GAMOT SA INUMIN NI CHRISTINE DACERA

SI Mark Rosales na kaibigan at isa sa mga suspek sa Dacera Rape with Homicide case ang binanggit na naglagay diumano sa iniinom ng biktima kaya ito nahilo.

Ito ang isiniwalat ni Atty. Roger “Bricks” Reyes, spokesperson ng pamilyang Dacera sa isinigawang panayam ng PUNA kamakalawa.

Isinumbong ng isa sa kaibigan ni Christine na binanggit daw ng dalaga na may inilagay si Mark Rosales sa kanyang iniinom na kaya siya nahilo agad.

Binanggit ito ni Christine nung gabi ng Disyembre 31, 2020 bago siyang natagpuang patay sa bathtub kung saan hotel sila naka-check in.

Ayon pa kay Atty. Reyes si Christine ay flight attendant at mahigpit na ipinagbabawal ang mabibisyong tao lalo na ang paggamit ng ilegal na droga at paginom kung anu-anong mga alak.

Anya, kaya naniniwala ang pamilyang Dacera na totoo ang sinabi ng kaibigan nito na nilagyan ng gamot ang kanyang ininom na alak.

Sinabi pa ni Atty. Reyes na kilala nya ang pagkatao ni Christine at sa katunayan ay cum laude ito nung nag-aaral pa sya.

Naniniwala rin ang pamilyang Dacera na pinagsamantalahan si Christine dahil may nakitang lecerations at sperm sa kanyang gentalia, mga pasa at galos sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Duda rin ang pamilyang Dacera sa ginawa ni Police Major Michael Nick Sarmiento, medico legal officer ng PNP na inuna ang pagembalsamo sa bangkay ni Christine kesa sa pag-autopsiya.

Lumabas sa autopsy report ng medico legal sa pamumuno ni Major Sarmiento na ang dahilan ng pagkamatay ng biktima ay “ruptured aortic aneurysm” o pagputok ng ugat.

Ayon kay Atty. Reyes ang ginawang pagpapa-embalsamo ni Major Sarmiento ay pagbura ng mga ebidensya sa katawan ni Christine na malaking tulong sana sa imbestigasyon ng kaso ng biktima.

Ipinagtataka rin ni Atty. Reyes kung bakit ginawa ito ni Major Sarmiento sapagkat hindi naman ito baguhan sa kanyang trabaho.

Maging si Dr. Raquel Fortun, forensic pathologist ay nagtaka kung bakit ginawa ito ni Major Sarmiento na inuna muna ang pagembalsamo bago ang ginawang pag-autopsy sa bangkay.

Ito anya, ay nangangahulugan na kulang sa kaalaman ang mga nagiimbestiga na pulis sa paghawak ng tama sa bangkay ng biktima na magiging daan sana para makatulong sa pagresolba ng mga kaso.

Tugma naman ang paniniwala ng pamilyang Dacera sa sinabi ni Dr. Willie Ong na kabilang sa mga dahilan ng pagkamatay sa “raptured aortic aneurysm” o pagputok ng ugat ay ang paggamit ng ilegal na droga o kaya ay pagkakaroon ng high blood dahil sa katandaan ng tao.

Namamaga umano ang ugat na daluyan ng dugo hanggang sa pumutok ito dahil sa hindi normal na daloy ng dugo.

Pero hindi naman maaari na ang dahilan ng pagputok ng ugat ni Christine ay ang katandaan sapagkat 23-anyos pa lamang ito.

Kaya malaki ang paniniwala ng pamilyang Dacera na tama ang sinabi ng kaibigan ni Christine na pinainom ito ng ilegal na droga ni Mark Rosales kaya ito pinutukan ng ugat.

Si Mark Rosales ay kapatid ni Valentine Rosales na nakita sa CCTV ng hotel na kahalikan ni Christine habang papasok sila sa isang kuwarto ng hotel.

Si Valentine Rosales ay inamin niya kamakailan sa mga interview sa kanya ng media na boyfriend niya ang anak ni Claire Dela Funte na si Gregorio de Guzman na isa sa itinuturing din suspek sa pagkamatay ni Christine.

May mga obserbasyon naman na naglalabasan ngayon sa netizens na love triangle o selos umano ang dahilan ng pagpatay kay Christine.

Sinikap ng PUNA na makapanayam si Mark Rosales na itinuturong umanoy naglagay ng gamot sa inumin ni Christine subalit hindi namin siya makontak.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

234

Related posts

Leave a Comment