HINDI lang presyo ng bigas ang kailangang bantayan kundi maging ang gulay upang masiguro na abot-kaya ito ng mga mamimili.
Kasunod ng kanyang matibay na paninindigan na mapababa ang presyo ng bigas alinsunod sa mga programa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr., iginiit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na dapat ding maging abot-kaya para sa ordinaryong pamilyang Pilipino ang presyo ng mga gulay at nanawagan ng agarang aksyon kaugnay nito.
Sinabi ni Speaker Romualdez, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP) na ang pagpapababa ng presyo ng pagkain ay isang pambansang prayoridad at kasama rito ang gulay na bahagi ng kampanya ng gobyerno upang magkaroon ng seguridad sa pagkain ang bansa.
“Hindi lang bigas ang dapat nating tutukan—paano naman ang gulay? Araw-araw na pangangailangan ito ng bawat pamilyang Pilipino. Kailangan nating tiyakin na may sapat, abot-kaya, at masustansyang pagkain sa hapag-kainan ng bawat Pilipino,” saad ng lider ng Kamara.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), makikita ang pabago-bagong presyo ng gulay. Noong Pebrero 2025, ang karaniwang presyo ng tinging kamatis ay nasa ₱109.94 bawat kilo, bumaba mula sa ₱158.67 noong huling bahagi ng Enero. Gayunpaman, ang presyo ng pulang sibuyas ay tumaas sa ₱162.69 bawat kilo mula ₱153.70, habang ang kalamansi ay tumaas sa ₱86.63 bawat kilo mula ₱81.61.
Ayon kay Romualdez, ang mga pagbabago sa presyo ay nagpapahirap sa badyet ng pamilyang Pilipino kaya dapat itong mapababa at mapanatiling abot-kaya.
Tinukoy niya ang mga pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng gulay, kabilang ang mahinang imprastraktura sa agrikultura, hindi epektibong transportasyon mula sakahan patungo sa pamilihan, at kakulangan ng pasilidad para sa pag-iimbak pagkatapos ng ani.
“Mas mataas ang gastos sa produksyon at pagbiyahe ng gulay mula probinsya papuntang pamilihan. Masyadong maraming middlemen ang kumikita, pero ang magsasaka nalulugi at ang mamimili nagdurusa sa mahal na presyo. Hindi ito makatarungan,” paliwanag niya.
Muling iginiit ng pinuno ng Mababang Kapulungan na ang pamumuhunan sa imprastraktura ng agrikultura ang susi sa pagpapababa ng presyo ng gulay. Binanggit niya ang kasalukuyang mga hakbangin ng Department of Agriculture (DA) upang pagandahin ang mga farm-to-market road at pasilidad sa imbakan, na makatutulong upang mabawasan ang mga pagkalugi matapos ang ani at mapatatag ang suplay.
Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagsigurong makarating nang maayos sa mga pamilihan ang lokal na ani upang maiwasan ang sobrang pag-asa sa mahal na imported na gulay.
“Kailangan nating palakasin ang ating sariling ani. Kung puro imported na gulay ang ibabaha sa merkado, paano naman ang ating mga magsasaka? Ang solusyon ay hindi puro pag-aangkat, kundi pagpapalakas ng ating sariling produksyon,” aniya.
Bukod sa imprastraktura, isinusulong niya ang mas malaking puhunan sa modernisasyon ng teknolohiya sa pagsasaka upang mapalakas ang lokal na ani ng gulay. Kabilang dito ang mas malawak na access sa de-kalidad na binhi, subsidiya sa pataba, at tulong-pinansyal para sa maliliit na magsasaka.
Bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon, hinimok niya ang mas matibay na pakikipagtulungan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at pribadong sektor upang makabuo ng isang sustenableng sistema ng pagpepresyo ng pagkain. Nanawagan siya sa National Price Coordinating Council (NPCC) at sa DA na magsagawa ng regular na pagsusuri ng mga patakaran upang matiyak ang epektibong mga hakbang sa pagpapatatag ng presyo ng gulay.
