MAGANDANG balita para sa may 200,000 senior citizens sa lungsod ng Maynila dahil mula ngayong Marso ay magiging isang libong piso na ang matatanggap na financial assistance ng mga lolo at lola.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, simula ngayong buwan ay dodoblehin na ang matatanggap na monthly financial assistance na magmumula sa city government kaya bawat isa ay makatatanggap na ng P4,000 kada apat na buwan.
“Simula ngayong Marso ay makukuha na po ng ating mga lolo at lola ang kanilang dobladong monthly allowance. Mula P500, ngayon ay P1,000 na po ito kada buwan,” ani Lacuna.
“Nagawa pong itaas ng inyong pamahalaang lungsod ang pinansyal na tulong dahil sa tapat at totoo na pamamalakad. Posible naman po na makatulong sa mga Manileño nang walang inuutang na pera,” pahayag pa ni Lacuna.
“Bagamat di pa rin talaga sapat, malaking kaginhawaan na din ito sa ating mga lolo at lola para sa kanilang mga pangangailangan,” ayon pa sa alkalde.
Dapat sana ay noon pa nagawang madagdagan ang tulong pinansyal para sa mga lolo at lola maging sa mga PWDs kung hindi lamang sa sobrang laki ng utang na iniwan ni dating mayor Isko Moreno na umaabot sa Php 17.8 Billion.
Kasabay nito ay pinasalamatan ng alkalde ang lahat ng barangay officials sa kanilang tulong sa city government tuwing payout hindi lamang para sa senior citizens kung hindi maging sa mga solo parent at persons with disability (PWDs) at higit sa lahat ang pasasalamat sa mamamayan ng Maynila sa tuloy-tuloy na suporta sa kasalukuyang administrasyon. (JESSE KABEL RUIZ)
