HOA, building managers sa QC inobliga COVID-19 CASES IREPORT SA LGU

INIUTOS ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon sa homeowner’s associations at building managers na iulat ang bilang ng kanilang mga empleyado, tenants, residente, miyembro o kliyente na maaaring dinapuan ng COVID-19 upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus sa residential at commercial establishments gayundin din sa mga condominium at subdivision.

Inilabas ni Mayor Joy Belmonte ang kanyang utos sa second supplemental GCQ guidelines at hinihikayat ang building managers at homeowner’s associations na agad ireport ang positive COVID-19 cases sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) sa loob ng 24-oras mula nang matanggap nila ang test results.

Sa ilalim ng pinakahuling panuntunan na inilabas, ipinag-utos ni Belmonte sa mga establisiyemento na makipagtulungan sa CESU at payagang magkaroon ng access ang city government contact tracers at huwag hadlangan ang nagsasagawa ng contact tracing.

Kasabay nito, inatasan ni Belmonte ang building managers na imantina ang pagla-log ng lahat ng building guests at visitors, kasama na ang address at contact information, gamit ang KyusiPass, hangga’t kanilang magagawa.

Ang building managers ang magsasabi sa kanilang mga nangungupahan at miyembro ng asosasyon kung mayroong COVID-19 cases sa kanilang gusali o kasapi nang hindi inihahayag ang pangalan at lugar ng mga kaso.

Idinagdag pa ng alkalde, ang building managers ang responsable sa pagmo-monitor at pagpapatupad ng health protocols, tulad ng pagpigil ng pagtitipon sa karaniwang lugar, paglilinis nito at iba pang gawain para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Sila rin ang bahalang magbigay ng pangangailangan para sa naka-quarantine na mga tao sa kanilang nasasakupan sa kanilang gusali.

“If any quarantined person breaks quarantine, the building manager must immediately notify and coordinate with the CESU and the barangay,” banggit pa niya.

Ang building managers din ang may mandato na patigilin ang tenant mula sa pagsasagawa ng mass gatherings sa loob ng kanilang unit. Kung tatanggi naman ang tenant ay maaaring ipagbigay-alam sa barangay at sa CESU.

Kabilang din sa ipinagbabawal ang operasyon ng swimming pools, kasama na ang condominium at village clubhouses, suspendido rin ang leisure activities, maliban sa exercise at training na pangangailangan. (JOEL O. AMONGO)

253

Related posts

Leave a Comment