HONTIVEROS AT PANGILINAN SABAY NAWALA SA VIRTUAL HEARINGS

PINASARINGAN ni Senate President Vicente “Tito” Sotto sina Senators Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan nang biglang mawala ang mga ito sa kanilang hybrid session noong Miyerkoles ng gabi para sa kanilang interpelasyon sa panukalang pagbibigay ng prangkisa sa San Miguel Aerocity sa pagtatayo ng paliparan sa Bulacan.

Sa sesyon ng Senado noong Miyerkoles, nagpatala sina Pangilinan at Hontiveros para sa interpelasyon sa panukala subalit nang pagkakataon na nila ay hindi na naka-log on ang dalawa.

“Hindi naman ako nakatiis, sinabi ko kami nga nina Senator (Win) Gatchalian, (Ping) Lacson andun kami eh.
‘Yung mga kasama natin virtual na lang umabsent pa, virtual na lang di pa nakisama,” saad ni Sotto sa panayam sa DWIZ.

Dahil nabitin ang interpelasyon ng dalawang senador, hindi naipasa sa 2nd reading ang panukala kaya’t nagtakda ang Senado ng sesyon sa Huwebes (October 8) upang ilusot ang panukala sa 3rd and final reading.

Kung natapos noong Miyerkoles ang interpelasyon at naipasa sa 2nd reading ang panukala, ngayong Lunes (October 5) dapat ay maipapasa sa pinal na pagbasa ang Bulacan Airport bill bilang pagtalima sa three day rule.

Nilinaw ni Sotto na minamadali nila ang paglusot ng 50 prangkisa sa San Miguel upang agad nang masimulan ang proyekto dahil taumbayan din naman ang makikinabang.

“Ito ay para sa taumbayan, hindi gobyerno gagawa nito, private company ang gumagawa nito at napakalaki ng perang ilalabas nila para sa kabutihan natin dahil later on ang airport na yun ituturnover sa atin, nagkakantyaw lang ako nang konti, ipagpatawad nila,” dagdag pa ni Sotto.(DANG SAMSON-GARCIA)

216

Related posts

Leave a Comment