HUWAG NANG MAGTAKDA NG HALAGA SA NOCHE BUENA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA panahong patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin, hindi na dapat magtakda ng halaga ang pamahalaan kung magkano ang sapat na gastusin ng isang pamilyang Pilipino para sa kanilang Noche Buena.

Para sa Department of Trade and Industry (DTI), kasya na ang P1,000 para sa Noche Buena ng isang pamilya. Aba, dati P500 ang pinag-uusapan, ngayon ay P1,000 na. Tumaas na nga ang halagang itinuturing na sapat, kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ngunit tila mas tumaas pa ang kilay ng publiko sa pahayag na pagkakasyahin na ang sanlibo para sa handaan sa Pasko.

Depensa naman ng isang opisyal ng samahan ng mga supermarket, maaari raw pagkasyahin ang P1,000 basta pairalin ang tamang mindset. Nasa pananaw rin umano ng maghahanda kung paano pagkakasyahin ang kanilang budget at kung ano ang mga pagkaing ilalagay sa hapag.

Totoo namang nakadepende sa kakayahan ng bawat pamilya ang kanilang ihahanda. Kung hindi sapat ang budget para sa mga pagkaing nais nilang ihain, natural lamang na maghanap sila ng mas murang alternatibo at unahin ang mga produktong pasok sa kanilang budget.

Hindi rin naman bago sa mga Pilipino ang pagiging matipid, maparaan at masinop, lalo na sa panahon ng krisis. Matagal nang natutong mag-adjust ang maraming pamilya sa bawat sentimong ginagastos upang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ngunit hindi dapat gawing simpleng usapin ng mindset ang problema sa mahal na bilihin. Hindi kakulangan sa tamang pananaw ang dahilan kung bakit kapos ang budget ng maraming pamilya. Katotohanan na hindi na kayang sabayan ng kita ng karaniwang manggagawa ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Ang Noche Buena ay hindi paligsahan sa dami o presyo ng pagkaing nakahain sa mesa. Hindi kailangang magkaroon ng mamahaling hamon, keso, spaghetti o iba pang tradisyonal na pagkain upang masabing nakapaghanda ang isang pamilya. Ang mahalaga ay may maihain at sama-samang maipagdiwang ang Pasko.

Gayunman, hindi rin dapat diktahan ng pamahalaan kung magkano ang dapat pagkasyahin ng bawat pamilya. Ang P1,000 na sapat para sa isang tahanan ay maaaring kulang na kulang para sa iba, lalo na sa pamilyang maraming miyembro.

Sa halip na magtakda ng halagang itinuturing na sapat para sa Noche Buena, mas makabubuting tutukan ng DTI ang pagpigil sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo, mahigpit na pagbabantay sa mga pamilihan at pagpapatupad ng mga hakbang upang maging abot-kaya ang mga pangunahing bilihin.

Hindi dapat maging sukatan ng kakayahan ng isang pamilya ang laki ng kanilang nagagastos sa Noche Buena. Hindi rin dapat iparamdam sa mga kapos sa buhay na sila ang may pagkukulang dahil hindi nila kayang pagkasyahin ang halagang itinakda ng pamahalaan.

Hindi presyo ng handa ang tunay na diwa ng Pasko. Ngunit tungkulin ng pamahalaan na tiyaking hindi nagiging luho ang simpleng pagdiriwang nito. Sa halip na turuan ang publiko kung paano pagkasyahin ang maliit na budget, dapat tiyakin nitong may sapat na kakayahan ang mga pamilya na tugunan ang kanilang mga pangangailangan.

40

Related posts

Leave a Comment