MARIING tinututulan ng National LPG Alliance of the Philippines (NLAP) ang panukalang guidelines para sa pagpapatupad ng Cylinder Swapping Exchange Program, partikular ang planong pamamahala rito ng pribadong sektor.
Sa unang public consultation hinggil sa programa, iginiit ni Department of Energy (DOE) Director Reino Abad na kailangang isang pribadong stakeholder ang mamahala sa operasyon ng cylinder swapping exchange program.
Gayunman, iginiit ni NLAP President JoJo Cruz na dapat pamahalaan ito ng gobyerno upang maiwasan ang monopolyo at pang-aabuso ng mga negosyante.
Ayon kay Cruz, kailangang dumaan sa tamang proseso ang pagpapatupad ng programa at hindi dapat ipagkatiwala sa isang pribadong entidad ang pamamahala rito dahil malaki ang magiging epekto nito sa mga mamimili at maliliit na LPG player.
Ibinunyag din niya ang umano’y pagpapalit ng tatak ng mga tangke ng ilang stakeholder upang unti-unting mawala sa merkado ang mga cylinder na pag-aari ng maliliit na LPG player.
Samantala, dumalo rin sa konsultasyon si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Boy Evangelista upang tugunan ang panawagan ng mga small LPG player na bantayan ang proseso at maiwasan ang posibleng katiwalian sa pagpapatupad ng programa.
(DANNY BACOLOD)
20 