ZAMORA, LAPID PINANGUNAHAN GROUNDBREAKING CEREMONY NG PINAGLABANAN TOURIST CENTER

PINANGUNAHAN nina San Juan City Mayor Francis Zamora at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer Dr. Mark Lapid ang groundbreaking ceremony ng Pinaglabanan Tourist Center and Souvenir Shop nitong Huwebes, Nobyembre 12.

Nagkakahalaga ng ₱17.1 milyon, ang proyekto ay pinagtutulungang isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan at TIEZA upang higit pang mapaunlad ang makasaysayan at pangkulturang turismo sa lungsod at Metro Manila.

Kabilang sa proyekto ang pagtatayo ng dalawang-palapag na pasilidad na magkakaroon ng tourist information center, souvenir shop, coffee shop, mga kainan sa loob at labas ng gusali, at mga pasilidad na madaling magagamit ng lahat, kabilang ang mga person with disabilities (PWDs).

Matatagpuan ito sa loob ng makasaysayang Pinaglabanan Shrine at inaasahang magsisilbing pangunahing sentro ng impormasyon at gabay para sa mga lokal at dayuhang turista.

Magbibigay rin ito ng madaling access sa impormasyon tungkol sa mga pasyalan, lokal na produkto, pagkain, inumin at iba pang serbisyong kailangan ng mga bisita.

Inaasahang higit pang mapalalakas ng proyekto ang heritage tourism sa San Juan, partikular sa mga makasaysayang pasyalan tulad ng Museo ng Katipunan, Museo El Deposito at El Deposito Underground Reservoir.

Layunin din nitong mapahusay ang karanasan ng mga turista at makapagbukas ng karagdagang oportunidad pang-ekonomiya para sa mga residente.

(DANNY QUERUBIN)

29

Related posts

Leave a Comment