TARGET ni KA REX CAYANONG
HINDI lahat ng karamdaman ay nakikita sa katawan. May mga taong nakangiti at nakikisalamuha sa iba, pero sa likod nito ay may mabigat na problemang dinadala.
May ilan na dumaranas ng matinding lungkot, takot, pag-aalala at iba pang suliraning hindi nila madaling maibahagi sa kanilang pamilya o kaibigan.
Kaya mahalagang bigyang-pansin ang kalusugang pangkaisipan. Hindi ito dapat ikahiya o ituring na kahinaan ng isang tao.
Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na serbisyong medikal para sa mga nangangailangan ng tulong. Isa sa mga serbisyong ito ang konsultasyon sa psychiatrist.
Magandang hakbang ang pagbubukas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ng pagpaparehistro para sa libreng konsultasyon sa psychiatrist sa ilalim ng programang Akay ni Gob.Sa pangunguna ni Gov. Sol Aragones, binibigyan ng pagkakataon ang mga residente ng Laguna na makakuha ng tulong nang hindi kailangang mag-alala agad sa bayad sa konsultasyon.
Mahalaga ang ganitong programa lalo na sa mga pamilyang kapos sa pera. Hindi lahat ay may kakayahang magbayad para sa pribadong konsultasyon.
Makatutulong din ang pagpapahintulot na kamag-anak ang mag-asikaso ng pagpaparehistro. May mga pasyenteng nahihirapang personal na magtungo dahil sa kanilang kalagayan.
Gayunman, hindi dapat matapos sa pagpaparehistro ang serbisyo. Kailangang matiyak na maayos ang pag-aayos ng iskedyul at agad na natutugunan ang mga nangangailangan ng konsultasyon. Mahalaga ring magkaroon ng sapat na psychiatrist at iba pang propesyonal upang hindi humaba ang paghihintay ng mga pasyente.
Dapat ding mapangalagaan ang kanilang pribadong impormasyon. Ang paghingi ng tulong para sa mental health ay personal na usapin na nararapat igalang.
Hindi rin dapat maging dahilan ng diskriminasyon ang pagkakaroon ng suliraning pangkaisipan. Sa halip, kailangan ng mga pasyente ang pag-unawa at suporta ng kanilang pamilya at komunidad.
Malaki ang papel ng barangay sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa mga serbisyong ito. Dapat malaman ng mga residente kung saan lalapit at paano makakukuha ng tulong. Kasabay nito, mahalagang magkaroon ng patuloy na programa para sa mental health sa mga paaralan, lugar ng trabaho at komunidad.
Ang pangangalaga sa isip ay kasinghalaga ng pangangalaga sa katawan. Kapag maayos ang kalagayan ng isang tao, mas nagiging handa siyang harapin ang mga hamon sa buhay.
Dapat ipagpatuloy at palawakin ang ganitong mga programa. Ang tunay na malasakit sa mamamayan ay hindi lamang nasusukat sa dami ng serbisyong inilulunsad kundi sa dami ng taong aktuwal na natutulungan.
Mabuhay po kayo, Gov. Sol Aragones, at God bless!
35 