PNP TINIYAK MAXIMUM TOLERANCE SA MGA RALLY SA 49TH ASEAN SUMMIT

PAIIRALIN ng Philippine National Police (PNP) ang maximum tolerance sa mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta kasabay ng pagdaraos ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa bansa.

Tiniyak ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nakahanda ang pambansang pulisya sa pagbibigay ng seguridad at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng summit.

Hiniling din ni Nartatez sa mga organizer ng iba pang aktibidad na isagawa na lamang ang kanilang mga programa pagkatapos ng summit, alinsunod sa panawagan ng ASEAN National Organizing Council bilang pagpapakita ng paggalang sa mga dayuhang bisita.

Kasunod ito ng isinagawang final review sa security preparations at inspeksyon sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad.

Tinalakay rin sa pulong ang traffic management, threat assessment at koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang maayos at ligtas na pagdaraos ng summit.

PBBM nag-sorry sa abala

Humingi naman ng paumanhin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko sa posibleng abalang mararanasan sa mga susunod na araw kaugnay ng pagdaraos ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa bansa.

Sa kanyang vlog, sinabi ng Pangulo na pansamantala lamang ang mga abalang ito at mas matimbang ang mga benepisyong maidudulot ng mga polisiyang mapagkakasunduan at mga trabahong malilikha dahil sa pagtitipon.

“Bagama’t may kaunting maaabala nitong susunod na araw, pansamantala lamang ito, kaunting pasensya lang. Tiyak ko na mas matimbang pa rin ang mga benepisyong matatamasa natin mula sa mga polisiyang mapagkakasunduan at sa mga trabahong malilikha,” ayon kay Marcos.

Binigyang-diin ng Pangulo na hindi lamang malalaking negosyo ang nakikinabang sa pagho-host ng Pilipinas sa mga summit at kaugnay na pagpupulong, kundi maging ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) at iba pang lokal na industriya.

Kabilang dito ang mga manghahabi, mananahi, designer, artista, mang-aawit, mananayaw at iba pang manggagawa sa creative industry, gayundin ang mga makeup artist, set designer, lighting at sound technician at manunulat.

Nakikinabang din umano ang mga culinary expert, lokal na food manufacturer, hotel at hospitality establishment, transport provider, driver at mga gumagawa ng branding materials at souvenir items.

Ayon sa Pangulo, maingat na pinili ang mga produktong lokal upang maipakita sa mga dayuhang bisita ang husay at pagkamalikhain ng mga Pilipino.

Sinabi rin ni Marcos na mahalaga ang ASEAN sa pagtugon sa mga hamong kinakaharap ng mga bansa sa rehiyon, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis at pagkain, paghina ng ekonomiya at mga usapin sa seguridad.

Hindi aniya kayang lutasin ng Pilipinas nang mag-isa ang mga problemang ito kaya mahalaga ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

Bilang host ng summit, pagkakataon din umano ng Pilipinas na manguna sa pagtalakay sa mga usaping direktang nakaaapekto sa mga mamamayan, partikular ang presyo ng mga bilihin, seguridad, agrikultura, trabaho at kabuhayan.

Umaasa rin ang Pangulo na mahihikayat ang mga dayuhang delegado na muling bumisita sa Pilipinas kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan upang matuklasan pa ang mga destinasyong panturista sa bansa.

Hinimok niya ang publiko na makiisa sa pagtanggap sa mga dayuhang bisita at subaybayan ang mga kaganapan sa pamamagitan ng telebisyon at social media.

Binigyang-diin ni Marcos na may mahalagang ambag ang bawat Pilipino sa matagumpay na pagdaraos ng 49th ASEAN Summit.

(Ulat nina TOTO NABAJA at CHRISTIAN DALE)

25

Related posts

Leave a Comment