PINAG-IINGAT ni Senador Tol Tolentino ang mga mangingisda at sundalong nagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas laban sa posibleng dagdag na panggigipit ng China.
Mula bukas, June 15, ipatutupad ng China ang polisiya nito na hulihin at ikulong ng isang buwan ang sinomang papasok sa itinuturing nilang teritoryo.
“Ipagdasal natin ang ating mga sundalo at mangingisda laban sa walang tigil na paninikil ng China. Sa Zambales at sa Palawan, at hindi lang yung sa BRP Sierra Madre,” diin ni Senador Tol.
Dagdag pa ng senador, dapat nang patibayin ang naval defense ng bansa para humarap sa mga ganitong panggigipit.
Kaugnay ng “no trespassing” policy ng China ay tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gagawa ito ng mga kaukulang hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pinoy partikular ang kasundaluhan at mga mangingisda.
Kabilang dito ang pagpapaigting sa pagpapatrulya katuwang ang mga kaalyadong bansa sa rehiyon.
