MAGING PILIPINO SA ISIP, SA SALITA AT SA GAWA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TAPOS na ang selebrasyon ng taunang paggunita ng Araw ng Kalayaan pero hindi makalaya sa mapaglarong utak ng mga Pinoy ang panaghoy ni Pangulong Marcos Jr. na maraming kabataan ngayon ang hindi alam ang kasaysayan ng GomBurZa.

Sabi ng Pangulo, nakalulungkot isipin na marami sa mga kabataan ngayon ang hindi kilala ang GomBurZa. Nakalimot na sila sa lahat ng pinagdaanan ng ating bansa upang magkaroon ng kasarinlan, aniya pa.

Ang GomBurZa ay pinaikli para sa mga pangalan ng mga martir na paring sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora.

Ayon sa Pangulo, marami sa mga kabataan ngayon ang kulang sa kaalaman kung paano nakamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa mga dayuhang sumakop sa Pilipinas.

Ipalagay ngang nakalimutan ng mga kabataan, hindi lahat ah, ang kabayanihan ng tatlong martir na pari, pero malaki ba ang tipak nito sa makabayang asal ng mga kabataan o ng pangkalahatang Pinoy?

Hindi rin ang pagkalimot ang isa sa mga dahilan, kung rason ngang maituturing, dahil maraming nasa posisyon sa pamahalaan ang nabigyan ng benepisyo nito para maluklok sa puwesto.

Teka, bakit hindi busisiin ang kurikulum ng edukasyon nang maibalik at mapaigting ang pag-aaral ng mga nakaukit na pira-pirasong kaalaman ng pakikibaka, sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ng mga Pilipinong lumaban para sa kalayaan ng bansa.

Buti nga atang nalimutan na ang GomBurZa dahil kung hindi ay hindi sana halos napuno ang espasyo ng pamahalaan ng mga politikong hindi interes ng publiko ang adhikain kundi para sa sariling kapakanan.

Bago natin silipin ang patriyotismo ng iba, simulan natin sa mga taong may mandato para itaguyod ang kapakanan ng bayan. Kung susuriing mabuti, mangilan-ngilan na lang sila.

Ang pagiging makabayan ay hindi pwedeng daanin lang sa pagsusuot ng damit na minarkahan ng simbolo ng Pilipinas.

Lalo ngayon na nanliligalig ang higanteng kapitbahay, dapat magpakita ng paninindigan at totoong pagiging makabayan lalo ang mga nasa pamahalaan. Kaya lang, may mga pumoporma ngayon pero sa nakaraan ay tahimik at mistulang kinunsinte pa ang kahibangan ng China. Puna tuloy ng mga netizen, alam mo na kung sino ang mga may interes kumandidato sa susunod na taon.

Higit na nakalulungkot na may mga nagtatangkang burahin ang isang pahina ng kasaysayan ng pang-aabuso noong Batas Militar.

Gustong tabunan ang karahasan, na pinababango pa ng Bagong Pilipinas na kanta at panata.

Sabagay, may nakikinabang sa ugaling madaling makalimot.

Sa mga palabas sa malaking telon, pumapanig ang manonood sa mga lumalaban sa naghahasik ng kaguluhan at lagim, pero tila baligtad sa totoong buhay.

‘Yan ang realidad.

Hay, ‘wag na kayang isipin muna ang bansa. Ang bigat nun.

281

Related posts

Leave a Comment