NAGKAPATONG-PATONG na ang problema ni Vice President Sara Duterte dahil matapos itong alisin ni Pangulong Marcos bilang miyembro ng National Security Council (NSC) kamakailan, maaaring maharap pa ito sa ika-apat na impeachment complaint sa Kongreso.
Nabatid na may ilang mambabatas ang nagpapahiwatig na ngayon na ikakasa na nila ang ikaapat na impeachment complaint laban sa bise presidente.
“Ilang miyembro ng mayorya sa Kongreso ang nagpahiwatig na maghahain ng ika-apat na impeachment complaint laban sa Bise-Presidente,” ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.
Gayunman, tumanggi muna si Velasco na pangalanan ang mga nasabing mambabatas na planong maghain ng isa pang impeachment complaint laban kay VP Sara.
Dagdag pa ni Velasco, ang gusto ng ilang mambabatas ay umusad na ang mga nakahaing impeachment complaint ngunit mismong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang tutol dito.
Aniya, “Actually ang gusto nga ng ilan umusad na kahit isa lang sa naunang tatlong impeachment complaint laban kay VP pero hindi ba ayaw na ni PBBM ito ituloy?” Ngunit hindi naman aniya bahagi o sa ilalim ng Ehekutibo ang Kongreso para sundin ang nais ng Malacañang.
Matatandaang nag-ugat ang mga reklamo laban kay VP Sara dahil hindi nito maipaliwanag kung saan ginastos ang P125 milyong confidential funds nito noong taong 2023. Noong nakaraang linggo lamang, inalis ang bise presidente bilang miyembro ng NSC.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ang aksiyon ng Pangulo ay bahagi ng reorganisasyon ng NSC. “The reorganization is a presidential prerogative ang nobody should question about that,” paliwanag pa ni Bersamin.
77