Ilang sangkot sa superspreader event sa Matandang Balara, abswelto agad IMBESTIGASYON NG QC LGU BINIRA NI DEFENSOR

KINUWESTYON ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kung bakit ang Quezon City government ang nag-imbestiga sa superspreader event sa Matandang Balara gayung ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang dapat nagsagawa nito.

Hindi nga naitago ni Defensor ang matinding pagkadismaya sa pagdami ng COVID-19 cases sa nasabing dahil mistulang hindi natuto sa karanasan ang Quezon City government.

Base sa mga report, 56 na sa mga dumalo sa community pantry ni Councilor Franz Pumaren ang nagpositibo sa COVID-19 at posibleng tumaas pa umano ang bilang na ito dahil 2,000 pa lang mula sa 6,000 hanggang 7,000 na dumalo sa nasabing pagtitipon ang na-swab test.

“Una, paulit-ulit yung ganitong pangyayari sa QC – parang hindi na tayo nadala,” pahayag ni Defensor sa panayam ng SAKSI Ngayon.

Nilinaw ng mambabatas na wala siyang problema sa pamimigay ng ayuda sa mga tao at tama lang naman na tulungan ang mga tao subalit hindi dapat tinipon ang mga ito.

“Alam naman nilang pwedeng ibahay-bahay yung ganung pamimigay. Hindi na kailangang magpapapila-pila at magdikit-dikit. Hindi bababa ang bilang ‘pag patuloy ang ganyang pamamaraan ng pamimigay,” ayon sa mambabatas.

“Pangalawa, bakit QC govt ang nag-imbestiga at may mga inabswelto na sila kaagad na alam naman ng lahat na sangkot sa pamimigay? Sa supot pa lang alam na kung saan galing,” ani Defensor.

Magugunita na ipina-subpoena ni Mayor Joy Belmonte si Pumaren at pinagpaliwanag sa hindi pagsunod sa health protocols subalit makalipas ang ilang araw ay inabsuwelto na ito.

Sa Matandang Balara inilunsad nina Defensor at Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang pamimigay ng Ivermectin upang maproteksyunan ang mga tao laban sa COVID-19.

Tatlong linggo matapos ang pamimigay nila ng Ivermectin noong Abril 29, 2021, bumaba sa 57.2% ang COVID-19 infection sa Matandang Balara dahil umaabot na lamang sa 59 kaso ang naitala noong Mayo 22 at bumagsak pa ito sa 39 noong Mayo 23, mula sa 138 cases bago namigay ng gamot ang grupo.

“Ang hirap lang na pinabababa natin ang bilang ng Covid positive tapos ganyan ang ginagawa,” dismayadong pahayag ni Defensor sa SAKSI Ngayon. (BERNARD TAGUINOD)

187

Related posts

Leave a Comment