RAPIDO ni PATRICK TULFO
ISANG malaking construction firm ang Millenium Erectors Corporation, kung pagbabasehan ang mga proyektong kanilang ginawa at natapos na.
Ito ang kuwento sa amin ng aming complainant na si Mang Vicente Mamenta, 60 years old at tubong Misamis Oriental.
Nagtanong si Mang Vicente sa inyong lingkod kung tama ba ang P60,000 na retirement pay na inaalok sa kanya ng Millenium Erectors matapos ang paninilbihan niya rito ng mahigit kumulang sa 22 na taon.
Mali! ‘Yan ang po ang aking tugon, at upang mabigyan kami ng mas malinaw na paliwanag ay nakipag-ugnayan kami kay Atty. Alvin Curado, Director IV ng Bureau of Working Conditions ng DOLE, sa aming programa.
Ayon kay Atty. Curado, ang tamang kalkulasyon para sa minimum retirement pay ay ang sumusunod, Daily rate× 22.5 days × number of years in service.
Kung ganoon sa aming kalkulasyon ay dapat na tumanggap ng mahigit P319,000 si Mang Vicente mula sa kanyang kumpanya.
Sa katunayan ay mas malaki pa nga ang kalkulasyon ng DOLE-NCR kung saan namin sinamahan si Mang Vicente upang magsampa ng reklamo, na umabot sa mahigit na P333,000.
Isa pa po sa nakatawag ng pansin ng inyong lingkod kaya nagdesisyon po akong personal namin samahan si Mang Vicente sa DOLE, ay ang pagiging illiterate nito.
Hindi po nahihiya si Mang Vicente na sabihin na hindi siya marunong bumasa at sumulat. Bilang katunayan ay hindi po ito marunong mag-text at ipinababasa sa mga kakilala ang text messages na kanyang natatanggap.
At ito po ang aking naging argumento sa harap ng labor arbiter sa DOLE-NCR, sa unang paghaharap ukol sa reklamo. Sinabi ko kay Mang Ando, ang naging representative ng Millenium Erectors Corporation, na walang bisa ang anomang dokumento na kanilang pinapirmahan kay Mang Vicente dahil hindi naman niya naiintindihan ito at pumirma lamang dahil pumirma rin ang kanyang mga kasama sa trabaho.
