KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI
ASTIG ang desisyon ni PBBM nang piliin niya si Police General Nicolas Torre III bilang bagong pinuno ng Philippine National Police (PNP) kapalit ni General Rommel Marbil na magreretiro sa June 7. Marami ang pumuri sa pagkakapili sa kanya at isa na ang kolumnistang ito.
Pinutol ni PBBM ang tradisyon na nagsimula noong 1991 na ang lahat ng pinuno ng PNP ay nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA). Si Torre ay produkto ng Philippine National Police Academy (PNPA), class of 1993. Ang pulis na taga Jolo, Sulu, 55-anyos ngayon, ay manunungkulan sa loob ng isang taon at siyam na buwan hanggang sa mandatory retirement niya sa Marso 2027.
Tatlong opisyal ng PNP na pawang gradweyt ng PMA ang nilampasan ni Torre sa pagkakahirang sa kanya na pamunuan ang 230,000 na puwersa ng pulisya, sa isang panahong nasa kritikal na sitwasyon ang kapayapaan at kaayusan sa bansa resulta nang patuloy na lumalalang kahirapan ng maraming mamamayan.
Habang diretso naman ang nakasusukang pulitikahan ng mga pinuno ng pamahalaan kasabay sa nagaganap na walang habas na dekwatan sa salapi ng taong-bayan na nagdudulot ng pagkabahala sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Marami na ang nawawalan ng tiwala sa gobyerno na sinasamantala naman ng ilang pulitikong kontra sa administrasyon ni PBBM upang lalo pang magalit ang mamamayan.
Binatikos ng mga alipores ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakapili ni PBBM kay Torre gayung nagpahayag na siyang makikipagbalikan sa kanyang dating alyado.
Bakit nga naman si Torre gayung ang taong ito ang kinatawan ng gobyerno, bilang pinuno noon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nang damputin ng Interpol si Digong noong Marso sa utos ng International Criminal Court (ICC) hanggang sa ikulong ito sa kanyang solitaryong selda sa The Hague, sa Netherlands. Maging si Vice President Sara Duterte ay hinarang ni Torre noon at hindi pinahintulutan na makausap muna ang kanyang tatay bago lumipad ang eroplanong magdadala sa Netherlands.
Si Torre rin, bilang hepe ng Davao Regional Police, ang nagkasa at namuno sa 16 na araw na operasyon laban kay Apollo Quiboloy – loyalista ni Duterte, na sangkatutak ang kaso kahit magpakilala pa siyang “appointed son of God” (ewan lang kung sino ang tinutukoy niyang diyos) – na nagtago sa kanyang lunggang palasyo kasapakat ang lokal na pamahalaan ng Davao City.
Dahil batid ni Quiboloy na hindi na siya makaiiwas sa lambat ni Torre, nagpasya itong lumabas na mula sa kanyang lungga at sumuko na lang sa militar kaysa matimbog siya ng pulis.
Iisa ang ipinakita ni Torre sa dalawang okasyong ito – dala niya ang kanyang “balls” at handa siyang makipagbasagan ng itlog sa sinomang hahadlang sa pagtupad niya sa kanyang misyon bilang tauhan ng estado.
Ang pagkakapwesto ni Torre ang isang patunay na pinasakay lang ni PBBM ang kampo ni Duterte sa kanyang pahayag na rekonsilyasyon. Agad namang naghain ang kabila ng mga kahilingan, pangunahin ang pagpapabalik kay Digong at kung ano-ano pang imposisyon, bago nila tanggapin ang pakikipag-kamay ng presidente.
Dapat nang tanggapin ng mga alipores ni Digong na suntok pa sa buwan ang pagbalik niya sa Pilipinas. Kailangan munang matapos ang paglilitis sa kanya ng ICC na hindi pa nga nagsisimula. Walang sinoman sa Pilipinas – si PBBM man o Supreme Court – ang may kapangyarihan na mag-utos sa ICC na ibalik ang dating pangulo. Si Digong ay nasa ilalim na ng awtoridad ng ICC. Period.
Makababalik lang siya sa bansa kung mapawawalang sala siya o ibabasura ng ICC ang kasong “crimes against humanity” na kinakaharap niya. Pero sa santambak na mga solidong ebidensya laban kay Digong, malabong mangyari ito. ‘Yung mga pahayag ni Nicholas Kaufman, ang kanyang abogado, na makauuwi siya sa madaling panahon dahil walang kasalanan ang dating presidente – paek-ek lang niya ito dahil sa laki ng bayad sa kanyang serbisyo.
Balik muli kay PNP chief Torre. Kaya ngayon pa lang ay nangangatog na sa nerbyos ang mga nasa listahan ng ICC na mga kasapakat ni Digong sa kanyang madugo at malagim na drug war noong panahon na siya ang mayor ng Davao City at pangulo ng bansa.
Dahil batid nilang kapag ibinaba ng ICC ang kanilang warrant of arrest ay hindi mag-aatubili si Torre na muling makipagtulungan sa Interpol upang dakpin ang mga nakatala sa wanted list – kahit pa opisyal sila ng gobyerno!
May the force be with you General Torre!
##########
Dahil sa pangamba ni Vice President Sara Duterte na mabuyangyang ang detalye ng mga kasong kinakaharap niya sa impeachment partikular kung paano winaldas ang milyong-milyong pisong intelligence fund at confidential fund ng Department of Education noong siya ang secretary nito, at maging ng Office of the Vice President, binabraso na ng mga senador na kaalyado niya, na hadlangan ang pagsisimula ng paglilitis.
Marami ang nagulat nang magpahayag si Senate President Chiz Escudero sa muling pagpapaliban ng presentasyon ng Articles of Impeachment laban kay VP Sara sa June 11 sa halip na simulan ito sa June 2.
Ang katwiran – dapat daw na tapusin muna ang proseso ng pagpapasa ng 12 panukalang batas na nakabinbin sa Senado.
Matatandaang inupuan din ni Escudero ang paggulong ng impeachment noong Pebrero matapos na ipasa ng Kongreso ang lahat ng mga dokumento upang simulan na ang paglilitis.
Ito ay sa kabila ng malinaw na nakasaad sa Saligang Batas na ang paglilitis sa reklamong impeachment ay dapat masimulan “forthwith”, o sa lengguwahe natin ay “kara-karaka,” “pagdaka,” “agad-agad,” o sa lalong madaling panahon.
Bakit ngayon ay binibinbin na naman at parang ayaw na pasimulan?
Ang pangunahing pinangangambahan ng mga alipores ni Sara sa Senado ay mabubulgar sa pormal na paglilitis ang detalye kung paano nawala o nilaspag ang malaking pondo mula sa salapi ng taong-bayan at ang mga maglalabasan pang anomalya na kinasasangkutan ni Sara.
At ito ang ayaw nilang mabuyangyang sa mata ng publiko kahit pa may sapat silang bilang upang mapawalang sala si VP Sara. Siyam na senador lang ang kumontra sa impeachment, abswelto na siya.
Ang pangunahing basehan sa gagawing pagdedesisyon ng ilang senador na aaktong huwes sa impeachment – kahit na ano pang pa-ek-ek na mga pahayag na neutral o “objective” daw sila – ay ang konsiderasyong pulitikal kesehodang nagdudumilat ang mga ebidensya upang patalsikin si Sara sa kanyang puwesto bilang pangalawang pangulo ng bansa.
Kapag nabilad ang detalye sa kasong impeachment at ang iba pang eskandalo ay magkakaroon ng sandata ang mga kontra-Duterte upang gamitin laban sa kandidatura ni VP Sara bilang presidente sa 2028 election.
Solido pa rin ang puwersa ng Duterte na ipinakita nila sa nakaraang senatorial election. Numero unong senador si Bong Go, pumangatlo pa si Bato dela Rosa at lumusot din si Rodante Marcoleta gayundin ang alyado nilang sina Imee Marcos at Camille Villar.
Pero kung malalantad ang pasikot-sikot sa ginawang paglustay sa pondo ni Sara gayundin ang iba pang eskandalo at anomalya, tiyak na lilikha ito ng malakas na bigwas na may kakayahang hadlangan ang kanyang ambisyon papunta sa Malakanyang.
Kung magaganap ito, tapos na ang kasaysayan ng pamilya Duterte sa larangan ng pulitika sa bansa. At ito ang kinatatakutan nila.
Teka…hindi ba’t nagpahayag na rin si PBBM na ayaw rin niya sa impeachment? Katulad sa ginawa niyang pagkakatalaga kay General Torre bilang PNP chief, kasunod ng kanyang pahayag na pakikipagkasundo sa mga Duterte, mahirap basahin ngayon ang laman ng kanyang isipan.
Lumalalim at tumatalim.
