MAGNA CARTA OF FILIPINO SEAFARERS PINASUSUSPINDE SA KORTE SUPREMA

KINALAMPAG ng mga marino sa Pilipinas ang Korte Suprema upang hilingin ang agarang aksyon sa kanilang petisyon para sa Temporary Restraining Order (TRO) laban sa pagpapatupad ng Magna Carta of Filipino Seafarers o Republic Act No. 12021.

Kinukuwestiyon ng International Seafarers Action Center (ISAC) at Concerned Seafarers of the Philippines ang konstitusyonalidad ng pagkakapasa ng RA 12021, gayundin ang ilang probisyon nito na anila’y hindi pabor sa kapakanan ng mga marino.

Ayon kay ISAC President Atty. Edwin Dela Cruz, hindi sapat na tawaging Magna Carta ang batas kung hindi naman nito tunay na inuuna at pinangangalagaan ang karapatan ng mga Pilipinong marino.

Binigyang-diin niya na dapat tiyakin ng batas ang sapat na proteksyon para sa mga marino na ilang buwan na napalalayo sa kanilang pamilya at humaharap sa mahihirap at mapanganib na kondisyon sa dagat.

Dahil dito, iginiit ng dalawang grupo na dapat maglabas ang Korte Suprema ng TRO upang pansamantalang ihinto ang pagpapatupad ng RA 12021 habang dinidinig ang mga usapin hinggil sa konstitusyonalidad nito.

Nanawagan din sila para sa isang Magna Carta na tunay na magtataguyod sa karapatan, kaligtasan, kabuhayan at kapakanan ng mga Pilipinong marino.

(JULIET PACOT)

62

Related posts

Leave a Comment