“Surrender or face the music” JONVIC KAY BATO: TAMA NA ‘WENTO

BINIGYAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ng panibagong babala si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na sumuko nang mapayapa kasunod ng ultimatum ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pag-aresto sa senador.

“We’ve been talking for a year. Enough talk. Surrender or face the music,” pahayag ni Remulla sa kanyang babala kay Dela Rosa.

Sinabi rin ng kalihim na gagawin ng mga awtoridad ang kinakailangang hakbang upang madakip ang senador sakaling hindi ito sumuko sa itinakdang panahon.

“Then we pursue him with all abandon,” ani Remulla nang tanungin kung ano ang mangyayari kung hindi pa rin susuko si Dela Rosa ngayong linggo.

Nauna nang nanawagan ang mga lider ng Senado sa mga awtoridad na tiyaking ligtas, maayos at mapayapa ang pag-aresto sa senador, sa gitna ng pangambang maaaring mauwi sa karahasan ang isasagawang law enforcement operation.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga kaalyado ni Dela Rosa sa inilaan P50 milyong pabuya para sa ikadarakip ng senador, dahil maaari umano itong mag-udyok sa ilang indibidwal na kumilos nang labag sa batas para lamang makuha ang malaking halaga.

Nananatiling hindi malinaw ang kinaroroonan ni Dela Rosa matapos iulat na may arrest warrant na inilabas ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa kampanya kontra ilegal na droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bago ito, muling nagpakita sa Senado si Dela Rosa upang bumoto sa usapin ng pagpapalit ng Senate president. Nagkaroon ng kaguluhan sa loob ng Senate compound kasunod ng naiulat na putukan sa lugar.

(JESSE RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment