INTON: KAILANGAN NG BATAS NA MAGTATAKDA NG SAKLAW NG POLITICAL DYNASTIES

IGINIIT ni Atty. Ariel Inton ang pangangailangan ng malinaw na batas na magbibigay-kahulugan at magtatakda ng saklaw ng political dynasties sa bansa, lalo na sa harap ng mga ulat na may magkakamag-anak na nagbabalak tumakbo sa iba’t ibang posisyon sa Quezon City.

Ayon kay Inton, nakasaad sa Article II, Section 26 ng 1987 Constitution na dapat tiyakin ng Estado ang pantay na pagkakataon sa paglilingkod-bayan at ipagbawal ang political dynasties alinsunod sa depinisyong itatakda ng batas.

Gayunman, hangga’t walang umiiral na pambansang batas na nagtatakda kung anong mga ugnayang pampamilya at posisyon ang saklaw ng pagbabawal, wala pang sapat na legal na batayan upang awtomatikong ideklarang lumalabag sa Konstitusyon ang magkakamag-anak na sabay na tumatakbo o nanunungkulan.

Itinuro rin ni Inton ang House Bill No. 8389 o panukalang Anti-Political Dynasty Act, na naglalayong magtakda ng limitasyon sa sabayang pagtakbo o paghawak ng mga posisyon ng mag-asawa at mga kamag-anak hanggang ikalawang antas ng consanguinity o affinity sa ilang pambansa at lokal na posisyon.

Naipasa na ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives noong Hunyo 3, 2026 at ipinadala sa Senado para sa pagtalakay at pag-apruba. Gayunman, hindi pa ito ganap na batas na maaaring gamiting batayan sa pagdidiskwalipika sa mga kandidato.

Samantala, noong Setyembre 2026, nagpasya ang Korte Suprema na may mandatoryong tungkulin ang Kongreso na magpatibay ng batas na magbabawal sa political dynasties.

Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, ang 39-taong pagkabigo ng Kongreso na magpatupad ng naturang batas ay bumubuo ng grave abuse of discretion.

Sa ilalim ng HB 8389, nakapaloob sa mga saklaw ng pagbabawal ang sabayang paghawak ng ilang pambansa at lokal na posisyon ng mag-asawa o magkakamag-anak hanggang ikalawang antas, depende sa uri at nasasakupang lugar ng posisyon.

Dahil dito, hindi lahat ng magkakamag-anak na sabay na tatakbo o manunungkulan ay awtomatikong masasaklaw ng panukala.

Para kay Inton, mahalagang magkaroon ng malinaw na pamantayan upang matukoy kung aling mga ugnayang pampamilya at posisyon ang dapat ipagbawal. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng tiyak na batayan ang publiko at mga kinauukulang institusyon sa pagsusuri sa mga kandidato at halal na opisyal.

Binigyang-diin din niya na higit na mahalaga ang pagpigil sa anomang uri ng katiwalian sa pamahalaan, magkakamag-anak man o hindi ang mga sangkot.

44

Related posts

Leave a Comment