NAKATANGGAP ang Philippine National Police (PNP) ng hindi bababa sa 500 impormasyon kaugnay sa kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga, sinabi ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na karamihan sa mga impormasyong natanggap ay ipinadala sa pamamagitan ng text messages.
Ayon kay Nartatez, ipinadadala ang mga impormasyon sa mga police station, gayundin sa mga pulis at kanilang mga commander.
Sinabi ng PNP chief na lahat ng natatanggap na impormasyon ay sumasailalim sa beripikasyon. May ilan na rin umanong napuntahan at naoperasyunan ng mga awtoridad.
Tiniyak naman ni Nartatez na walang halong pulitika ang magiging pag-aresto kay Dela Rosa.
Kaugnay nito, pinabiberipika rin niya kung may mga opisyal ng PNP na nakatalaga sa Mindanao at Davao na dati niyang mga tauhan.
Sakaling mapatunayang hindi propesyonal ang kanilang ginagawa, maaari silang mapatawan ng parusa sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaukulang kasong administratibo.
(TOTO NABAJA)
42 