(BERNARD TAGUINOD)
HINDI lamang kapabayaan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang dahilan ng oil spills disasters kundi sa dahil sa crony capitalism.
Ito ang alegasyon ng grupo ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel matapos lumubog ang MV Terra Nova na may kargang langis sa Bataan na naging dahilan umano ng oil spill.
Ayon sa grupo, malinaw sa Memorandum Circular 02-2013 ng Philippine Coast Guard (PSG), mahigpit na ipinagbabawal ang paglalayag ng mga barko kapag may storm signal subalit pinayagan ang MV Terra Nova kahit nananalasa ang bagyong Carina.
Wala umano itong ipinagkaiba sa kaso ng MT Princess Empress na lumubog sa Mindoro noong nakaraang taon at naging dahilan din ng malawakang oil spill dahil pinayagang maglayag kahit walang permit
“Mula sa Bagyong Carina hanggang sa Bataan oil spills, malinaw na man-made ang mga sakuna dahil sa kapabayaan ng ating gobyerno. Dapat magkaroon ng imbestigasyon muli rito at mapanagot ang dapat managot,” ani Kabataan Party-list Executive Vice President Renee Louise Co.
“Hindi ito first time. Pangatlo at maaaring pinakamalalang oil spill na ‘to sa kasaysayan ng Pilipinas. Kung paulit-ulit na nga ano ginagawa ng Malacañang para masolusyonan to?,” tanong pa ni Co.
Lalong nadismaya ang grupo ni Manuel matapos malaman na ang MT Princess Empress at MT Terra Nova ay isa lang ang may-ari na inarkila ng San Miguel Corporation na pinamumunuan ng tycoon na si Ramon Ang.
“Will Marcos Jr. be able to exact maximum accountability given his green agenda in his SONA? We should be vigilant if there is an active effort of twisting regulations to favor their business interests and operations is a betrayal of the Filipino people at large. Kung ganito man ang sitwasyon, di na nakakagulat. Like father, like son, crony capitalism is a family brand of governance,” ayon pa kay Co.
Kasabay nito, nanawagan si Manuel ng agarang ayuda sa mga mangingisda na nasalanta ng bagyo na nawalan ng kabuhayan dahil sa oil spill sa Bataan at karatig lugar.
