Kahit kasuhan ni Duque COVID-19 TESTING, ITUTULOY NG MARIKINA

INANUNSIYO kahapon ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na sisimulan ng pamahalaang lungsod na gamitin ang sarili nitong testing center ng novel coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) sa Abril 17 (Biyernes) kahit pa kasuhan siya ng Department of Health (DOH).

Ginamit na batayan ni Teodoro ang probisyon ukol sa “local autonomy” ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991 sa pagpapasyang ituloy ang sariling COVID – 19 testing ng pamahalaang lungsod ng Marikina.

Ang nasabing probisyon ay nakaugnay sa awtonomiya ng local government units (LGUs) o pagsasalin sa mga pamahalaang lokal ng maraming gawain, tungkulin at obligasyon upang mabawasan ang napakaraming trabaho ng pambansang pamahalaan, kabilang na ang pangangasiwa sa kalusugan ng mga residente ng lungsod at bayan.

Tinukoy rin ni Teodoro ang Proclamation 922 o State of Public Health Emergency Declaration na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay kapangyarihan sa pamahalaang lokal na magpasya at kumilos upang mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga residente ng lokal.

Binanggit sa Proclamation 922 na binibigyan ng kapangyarihan ang “government agencies and LGUs to immediately act to prevent loss of life, utilize appropriate resources to implement urgent and critical measures to contain or prevent the spread of COVID – 19, mitigate its effects and impact to the community, and prevent serious disruption of the of the functioning of the government and the community.”

Ani Teodoro, handa niyang harapin ang kasong isasampa ni Secretary Francisco Duque III sa kanyang desisyong simulan ang testing ng COVID-19 sa mga residente ng Marikina kahit walang pahintulot ang DOH.

Aniya, ilang beses nang kinontak ng pamahalaang lungsod ang DOH upang suriin at hatulan ang COVID-19 testing ng una, ngunit walang dumating na mga opisyal at kawani ng DOH.

Umabot na sa 59 na residente ng Marikina ang kumpirmadong positibo sa COVID-19. NELSON S. BADILLA

186

Related posts

Leave a Comment