KUMPIYANSA si election lawyer Atty. Romulo Macalintal na maaaring maglabas ang Korte Suprema ng desisyon sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo kaugnay ng kanyang petisyon na kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.
Batay kay Macalintal, indikasyon umano ng agarang pag-aksyon ng Korte Suprema ang pagbibigay nito ng limang araw lamang sa mga respondent upang magsumite ng kanilang mga komento sa petisyon.
Kabilang sa inatasang tumugon ang Office of the President, Senado, House of Representatives at Commission on Elections (COMELEC).
Ayon kay Macalintal, maaaring mangahulugan ito na may “substance” ang kanyang petisyon at posibleng i-fast-track ng Korte Suprema ang pagresolba rito, kabilang ang kanyang hiling na magpalabas ng temporary restraining order (TRO).
Dagdag pa niya, bagama’t nasa break umano ang mga mahistrado sa pagsusulat ng mga desisyon, nagdaos pa rin ang Korte Suprema ng special session upang talakayin ang kanyang petisyon, na aniya’y nagpapakita ng urgency ng usapin.
Sa kanyang petisyon, kinuwestiyon ni Macalintal ang Republic Act No. 12326 na nagpalawig sa termino ng mga incumbent barangay at Sangguniang Kabataan officials at nagtakda ng susunod na BSKE sa Nobyembre 2028.
Umaasa si Macalintal na kung papanigan ng Korte Suprema ang kanyang petisyon, maaari pang ituloy ng COMELEC ang halalan ngayong taon, bagama’t maaaring hindi na ito maisagawa sa orihinal na petsang Nobyembre 2.
Ipinaliwanag niya na may kapangyarihan ang COMELEC na mag-adjust ng election period dahil sa mga “supervening events,” basta’t naaayon ito sa magiging kautusan ng Korte Suprema.
Mga Kabataan Nagpasaklolo Rin
Samantala, ilang grupo ng kabataan ang nagpasaklolo rin sa Korte Suprema upang hilinging ituloy ang BSKE ngayong taon.
Nagtipon ang mga kinatawan ng iba’t ibang youth at SK organizations, kabilang ang mga kasalukuyang SK officials, mga nagnanais tumakbo sa SK, student leaders at mga organisasyong nagsusulong ng youth participation, upang kuwestiyunin ang pagpapaliban ng halalan.
Isinampa ang petisyon sa pamamagitan ng e-filing ng kanilang legal counsel at nilagdaan ito electronically.
Kabilang sa mga grupong lumahok sa hakbang ang Kaya Natin! Youth, KASAPI Coalition, Akbayan Youth, Kilos Ko Youth, Liberal Youth, BUILD Youth, Model SK, National Anti-Poverty Commission–Youth and Students Sectoral Council (NAPC-YSSC), Student Council Alliance of the Philippines (SCAP) at GoodGovPH.
(JULIET PACOT)
95 