(JULIET PACOT)
HINDI kinatigan ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang mosyon ng defense team ni Vice President Sara Duterte na pigilan ang pagtestigo ng executive director ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Day 33 ng impeachment trial.
Sa kanyang ruling, sinabi ni Escudero na hindi absolute o lubos ang confidentiality ng AMLC records at hindi ito maaaring gamiting hadlang sa isang legal na utos ng impeachment court.
Dahil dito, pinayagan ng impeachment court na tumestigo si AMLC Secretariat Executive Director Atty. Ronel U. Buenaventura kaugnay ng mga financial transaction na kinasasangkutan umano ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” Carpio at ilang kaugnay na negosyo.
Giit ni Escudero, pinoprotektahan ng Section 8-A ng Anti-Money Laundering Act ang AMLC information laban sa unauthorized disclosure, ngunit hindi nito inaalis ang kakayahan ng AMLC na gampanan ang mandato nito o sumunod sa lawful at partikular na subpoena ng korte, alinsunod sa mga kinakailangang safeguards.
“Ang AMLC ay hindi lamang taguan ng impormasyon. Hindi maaaring gamitin ang confidentiality para hadlangan ang mismong mandato nito sa ilalim ng batas,” ayon sa ruling ni Escudero.
Binigyang-diin din niya na ang confidentiality requirement sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act ay nagtatakda kung paano at sa ilalim ng anong mga kondisyon maaaring ilabas ang impormasyon at hindi nangangahulugang kailangang manahimik ang AMLC sa lahat ng pagkakataon.
Binanggit din ni Escudero ang naging manifestation ni Senator-Judge Ping Lacson noong Day 32 kaugnay ng Section 2 ng Republic Act No. 1405 o Bank Secrecy Law, na nagtatakda ng mga pagkakataong maaaring siyasatin ang bank deposits, kabilang ang mga kasong impeachment.
Sinuportahan naman ni Senator-Judge Joel Villanueva, dating chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, ang ruling ni Escudero.
Samantala, ibinasura rin ng impeachment court ang hiwalay na pagtutol ng depensa sa pagtalakay sa mga financial transaction ni Carpio.
Sinubukan ni defense counsel Atty. Mark Vinluan na pigilan si Buenaventura sa pagtestigo tungkol sa mga transaksyon ni Carpio noong 2014, dahil hindi umano impeachable officer ang asawa ng Bise Presidente at naganap ang mga transaksyon bago pa ang termino ni Duterte bilang Bise Presidente.
“Considering that Atty. Manases Carpio is not an impeachable officer, and this is a transaction in 2014, we are objecting precisely on the basis of relevance, Your Honor,” ani Vinluan.
Iginiit din ng abogado na hindi dapat busisiin ang mga transaksyon ni Carpio dahil wala itong sariling abogado na kumakatawan sa kanya sa impeachment proceedings.
Kontra rito si private prosecutor Mae Divinagracia, na nagsabing may kaugnayan ang financial records ni Carpio sa kaso dahil absolute community of property umano ang rehimen ng kasal nina Duterte at Carpio at kabilang sa financial disclosures ng Bise Presidente ang mga ari-arian ng kanyang asawa.
Giit din ni Divinagracia, saklaw ng subpoena ng impeachment court ang mga rekord ni Carpio.
“The objection, unfortunately, counsel, is overruled,” pasya ni Escudero.
Nagtala naman ang depensa ng continuing objection at iginiit na naganap ang mga transaksyon sa labas ng kasalukuyang termino ni Duterte.
Matapos ibasura ang objection, tinukoy ni Buenaventura ang pitong covered transaction report na may kaugnayan kay Carpio at may petsang Marso 28, 2014. Pawang inter-account transfers ang mga ito na iniulat ng Bank of the Philippine Islands-J. Vargas branch.
P41M Sa Isang Araw
Bago ang ruling, tumestigo si Buenaventura na anim na transaksyon mula sa mga account ni Carpio na may kabuuang P41 milyon ang isinagawa sa loob lamang ng isang araw noong Agosto 6, 2024.
Kabilang dito ang dalawang check encashment na nagkakahalaga ng P15 milyon at P8 milyon, at apat na over-the-counter withdrawal na P5 milyon, P5 milyon, P3 milyon at P5 milyon.
“P41 million po, Your Honor,” sagot ni Buenaventura nang tanungin kung magkano ang kabuuang halaga ng mga transaksyon.
Kinumpirma rin niya na kay Carpio ang mga account na sangkot sa anim na transaksyon.
Inihaharap ng House prosecution ang mga financial record nina Duterte at Carpio bilang bahagi ng Article II ng impeachment complaint, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth at hindi wastong financial disclosures.
Layon ng prosekusyon na ihambing ang mga rekord ng AMLC sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte upang suportahan ang kanilang mga alegasyon.
(Ulat nina DANG SAMSON-GARCIA AT TINA MENDOZA)
75 