Kahit talunan sa Eleksyon 2022 BIGONG MAGSUMITE NG SOCE KAKASUHAN, PAGMUMULTAHIN

NAGBABALA ang Commission on Elections (Comelec) na mahaharap sa parusa at multa ang mga bigong magsumite ng Statements of Contribution and Expenditures (SOCEs) sa itinakdang araw kahit pa ang mga natalo sa nakaraang halalan.

Sa pagtatapos ng panahon ng paghahain ng SOCE nitong Hunyo 8, sinabi ng Comelec na si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang mga tinalo sa pagkapangulo na sina Panfilo Lacson, Jose Montemayor Jr., Leni Robredo, Manny Pacquiao, Isko Moreno Domagoso, at Leody de Guzman ang nagdeklara ng kanilang mga gastos at kontribusyon sa kampanya.

Sina Norberto Gonzales, Faisal Mangondato, at Ernie Abella ay nabigong magsumite ng kanilang SOCE sa loob ng 30-day period gaya ng itinatadhana ng batas.

Samantala, maging si Corina Joyce Castillo Felix, na naghain ng kanyang certificate of candidacy noong Oktubre ngunit hindi kasama sa pinal na listahan ng mga kandidato sa pagkapangulo ng Comelec, ay naghain din ng kanyang SOCE sa Comelec.

Sa siyam na vice presidential bets naman, tanging sina Rizalito David at Manny Lopez ang nabigo na ideklara ang kanilang mga gastos at kontribusyon.

Para sa mga kandidato sa pagkasenador, 44 lamang sa 64 na opisyal na kandidato ang nakapagsumite ng kanilang SOCE sa tamang oras.

“Until such time that they have complied, they are barred from assuming office. If their political party likewise fails to comply, the same prohibition applies,” sabi ni Comelec Education and Information Division Director James Jimenez.

Pinaalalahanan din ng Comelec na ang mga kandidato, nagwagi o natalo na mabibigong maghain ng SOCE ay papananagutin sa kasong administratibo at papatawan ng multa. (RENE CRISOSTOMO)

167

Related posts

Leave a Comment