EDITORIAL
NAKABABAHALA ang bullying at karahasang kinasasangkutan ng ilang mag-aaral.
Ang pambubuli at karahasan ay kabilang sa mga isyu at suliranin sa bansa na nangangailangang tutukan at bigyan ng agarang solusyon.
Isa sa mga kinokonsiderang hakbang sa pagtugon sa bullying ay damihan ang guidance designate sa mga pampublikong paaralan.
Ayon sa depinisyon ng Department of Education (DepEd), ang guidance designates ay mga guro na opisyal na itinalaga ng school head/school division superintendent/regional director para gampanan ang mga tungkuling may kaugnayan sa implementasyon ng guidance services.
Muling hiniling ni Sen. Sherwin Gatchalian, chair of the Senate Committee on Basic Education, sa DepEd na repasuhin ang rasyo ng guidance designates sa mga mag-aaral.
Sa datos, isang guidance counselor o guidance designate ay nakatalaga sa kada 500 mag-aaral. Nasa 10,412 ng 45,326 paaralan ay walang designates nitong katatapos na school year.
Makikipagtulungan ang DepEd sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa implementasyon ng programang bigyan ang mga magulang ng dagdag na kaalaman sa paglaban kontra bullying at paghubog sa mga bata.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Angara na ang programa ay bahagi ng hangarin laban sa bullying at tugon sa panawagan ni Gatchalian na ipatupad ang Parent Effectiveness Service (PES) Act.
Ang Parent Effectiveness Service Act o Republic Act No. 11908 ay naglalayong mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga magulang at guardian sa child development.
Isa ito sa depensa para protektahan ang karapatan at kagalingan ng mga bata.
Ngayong bakasyon ang mga mag-aaral ay kailangang pabilisin ng pamahalaan ang mga hakbang laban sa bullying at karahasang sangkot ang mga mag-aaral.
Dapat ding pagbutihin pa ng mga magulang ang kanilang tungkulin sa kanilang mga anak nang mawala ang pangamba at panatag na ang kanilang kalooban at isipan sa pagbabalik ng mga mag-aaral sa eskwelahan.
Nararapat din gumawa ng kongkretong hakbang at pangmatagalang programa laban sa bullying dahil pansamantalang solusyon lang ang paghirang ng mga dagdag na guidance designate dahil sa kawalan ng guidance counselors.
Ang mga bata ay hinuhubog, hindi binubugbog.
