DALAWANG hinihinalang bigtime drug dealer ang nadakip sa isinagawang anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang shopping mall sa Pagadian City matapos mahulihan ng kalahating kilo ng umano’y shabu.
Tinatayang nasa P3.4 milyon ang halaga ng hinihinalang ipinagbabawal na droga ang nakumpiska sa buy-bust operation ng PDEA Regional Office IX (PDEA RO-9) Zamboanga del Sur Provincial Office, katuwang ang PDEA RO-9 Regional Special Enforcement Team (RSET), Pagadian City Police Station, Zamboanga del Sur Provincial Drug Enforcement Unit, at Provincial Intelligence Unit ng ZDSPPO noong Huwebes.
Isinagawa ang inilatag na buy-bust operation bandang alas-12:55 ng tanghali sa parking lot ng isang mall sa Barangay San Pedro, Pagadian City, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang hinihinalang tulak ng droga at nasamsam ang hinihinalang ilegal na droga.
Kinilala ni PDEA RO-9 Regional Director Maharani R. Gadaoni-Tosoc ang naarestong mga suspek na sina Jessie Damolo Pada, 38, distributor ng school supplies, at Sanny Boy Amrosi Fontanilla, 29, isang laborer, pareho ng residente ng Maramag, Bukidnon, at nahuli matapos umano nilang makipagtransaksyon sa isang undercover operative.
Nasamsam sa operasyon ang limang knot-tied na transparent plastic pack na may lamang tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P3,400,000 ang halaga.
Nakuha rin ang iba pang ebidensya tulad ng isang itim na kahon, isang gold tea pack na may markang “GUANYINWANG,” dalawang itim na plastic pack, isang brown paper bag, boodle money na may tunay na P1,000 bill sa ibabaw, dalawang cellphone, isang itim na Toyota Fortuner, at ilang dokumento ng bank transactions.
Ang naarestong mga indibidwal ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL RUIZ)
