KALIWA’T KANANG PROTESTA SA IKA-51 ANIBERSARYO NG MARTIAL LAW

NAGPROTESTA ang iba’t ibang grupo sa paggunita sa ika-51 anibersaryo ng pagdedeklara ng Martial Law sa bansa kahapon (Setyembre 21).

Nagdaos naman ng misa sa labas ng tanggapan ng Comelec sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila ang grupo ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Eliseo Rio kasama ang mga IT expert na tinaguriang Truth and Transparency Trio (TNTrio) at mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na mula sa Philippine Military Academy.

Kaugnay ito ng 9th Day Novena for Truth and Transparency kaugnay ng panawagan nilang imbestigahan ang national elections noong 2022 na tadtad anila ng iregularidad.

Sa protesta ng mga militanteng grupo, binatikos nila ang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. sa anila’y dinanas na pagdurusa at kahirapan ng mga Pilipino.

Ayon kay Father Robert Reyes, hindi na dapat maulit sa kasalukuyan at susunod na panahon ang Batas Militar noong 1972.

Nagtipon-tipon ang grupo ng Kabataan Party-List, BAYAN, Karapatan Southern Tagalog at Tanggol Magsasaka-Timog Katagalugan, sa Plaza Ferguson sa Roxas Boulevard/Service Road, Ermita, Manila.

Sigaw ng mga rallyista, ibasura ang Anti-Terror Act at isabuhay ang sinimulang pakikibaka para sa karapatan, lupa at hustisya.

Pinatutsadahan din nila ang AFP-PNP na mandurukot ng mga tao habang ang Marcos-Duterte ay mandurukot ng pondo.

Buburahin ni BBM

Kaugnay nito, seryoso si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na burahin ang malagim na alaala ng kalupitan ng amang si Ferdinand Sr., kaya hindi nito binigyan ng pondo ang mga proyekto para sa mga biktima ng Martial Law.

Ito ang isiniwalat ni Albay Rep. Edcel Lagman matapos matuklasan na kahit isang sentimo ay hindi nilaanan ng pondo sa ilalim ng 2024 General Appropriations Bill (GAB), ang para sa alaala ng mga biktima ng batas militar.

“While there was surfeit of funds, including the proceeds from behest loans, for the prosecution of the martial law regime repressive and plunderous programs and policies, there is now no appropriation in the 2024 budget as proposed in the NEP for the construction and completion of the Human Rights Violations Victims’ Memorial Museum, Library and Compendium,” ani Lagman.

Nakasaad aniya sa Republic Act (RA) 10368 or “Human Rights Violations Victims’ Reparation and Recognition Act of 2013” ang pagtatayo ng mga memorial museum, library at compendium, para hindi malimutan ng mga Pilipino ang kalupitan ng diktaduryang Marcos at maiwasang maulit ito sa kasaysayan.

Umapela naman ang Partido ng Manggagawa (PM) sa taumbayan na huwag kalimutan ang karahasan at kahirapan na sinapit ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng batas militar ni Marcos, Sr., lalo na’t unti-unti na itong nararamdaman sa panahon ng kanyang anak na si Marcos, Jr.

Ayon kay Judy Ann Miranda, secretary general ng PM, bukod sa kaharasan, ibinaon ng diktaduryang Marcos ang bansa sa kahirapan, nagkaroon ng matinding krisis sa bigas na nangyayari ulit ngayon.

“Hindi lang dahas ang mayroon sa ilalim ng diktadura ni Marcos, Sr. at sa administrasyon ni Marcos, Jr. ngayon. Pareho ring may krisis sa bigas sa kanilang panahon,” pahayag ni Miranda, kasabay ng paggunita sa ika-55 taon ng deklarasyon ng martial law.

Ginagawa na rin umano ni Marcos, Jr., ang nakagawian noong panahon ng kanyang ama na namumuhay sila nang marangya at ibinabandera ito habang parami nang parami ang naghihirap dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

(RENE CRISOSTOMO/BERNARD TAGUINOD)

466

Related posts

Leave a Comment