KAPALARAN NI JUNJUN MATUTULAD KAY MARCOS SR.

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TILA magkakatotoo na ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil kay Junjun Marcos na matutulad ang kapalaran nito sa kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., na napilitang bumaba sa pwesto matapos patalsikin sa pamamagitan ng “People Power.”

Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang pinakamagulong administrasyon ay ang kay Junjun Marcos na wala pa sa kalahating termino niyang anim (6) na taon ay nabalot na kaagad sa kontrobersiya ang kanyang administrasyon.

Sa kanyang administrasyon din may nangyaring pinakamaraming beses na nagpalit ng Presidential Communications Office (PCO) Secretary na nagsimula kay Atty. Trixie Cruz-Angeles, Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, Cesar Chavez, Jay Ruiz at ngayon si Dave Gomez.

Wala pang apat na taon ang nakalipas sa panunungkulan ni Junjun sa kanyang administrasyon, ay nakakalimang PCO secretaries na siya, bakit kaya? ‘Di ba nila kayang ipagtanggol ang kapalpakan ng administrasyon?

Ngayon kaliwa’t kanan ang kilos protesta ng mga Pilipino at tila hindi matatapos ang termino ni Junjun, ay mapabababa siya sa kanyang pwesto.

Sa nakaraang tatlong taon niya ay wala man lang siyang pwedeng maipagmalaking konkretong nagawa niya sa kanyang panunungkulan.

Mayroong siyang ipinagmalaki noong 2024 State of the Nation Address (SONA), ang 5,500 flood control projects na natapos na at may ginagawa pa.

Ang kasinungalingang ito ay nabisto ng natural calamity na mga bagyo dahil binaha ang iba’t ibang lugar sa bansa at naungkat ang ipinagmamalaki ni Junjun na 5,500 flood control projects.

Hinanap sa kanya ng publiko kung saan napunta ang 5,500 flood control projects na ito, wala siyang maipakita.

Kaya sa kanyang pinakahuling SONA nitong nakaraang July 2025 ay nagsalita siya sa harapan ng mga kongresista, senador at iba pang mga panauhin sa okasyon, na sinabi niyang “Mahiya naman kayo” sa mga sangkot sa mga naanod na flood control projects.

Ang pagmamalaki niya sa 5,500 flood control projects ay napalitan ng kahiya-hiyang pahayag na sampal sa kanya mismo.

Sabi ng maraming Pilipino, mali ang pahayag ni Junjun, dapat ang sinabi niya ay “Mahiya naman tayo” dahil hindi masasabing wala siyang kasalanan.

Bago mailabas ang pondo na ginamit para sa mga maanomalyang flood control projects ay pinipirmahan niya (Junjun) ito bilang presidente ng bansa. Paano niyang maitatanggi na hindi siya kasama sa nangyaring katiwalian?

Lalo na ang pinaka-korap sa kasaysayan na budget sa buong mundo, ang 2025 National Budget na may pinakamalaking halagang isiningit na pondo.

Ngayon sa kaliwa’t kanang imbestigasyon ay puro hugas-kamay ang ginagawa ni Junjun, sinabi niyang wala siyang kinalaman sa maanomalyang flood control projects.

Maging sina dating Senador Franklin Drilon at dating Supreme Justice Antonio Carpio ay hindi naniniwala na walang pananagutan si Junjun sa pinakakorap na 2025 National Budget.

Lahat ng mga Pilipino ngayon ay naniniwala na malala na ang korupsyon sa gobyerno, hindi lamang nagkakaisa kung sino ang pupwedeng ipalit kay Junjun na uupo sa Palasyo ng Malakanyang.

May mga nagsasabi na bago matapos ang taong ito (2025) ay posibleng mapababa si Junjun mula sa Palasyo ng Malakanyang dahil patuloy ang mga kilos-protesta sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Wala na ring tiwala ang publiko sa pamahalaan kaya hindi na tayo makakaasa ng kaayusan at katahimikan sa ating bansa.

Imbes na ang pagtuunan natin ng pansin ay ang seguridad natin laban sa mga dayuhang bansa na posibleng manakop sa atin, ay ang korupsyon mismo sa ating gobyerno ang bumulaga sa atin.

Ang korupsyong ito ay nagpapatunay lamang na walang malasakit sa mga Pilipino ang halal na mga opisyal natin. Pansariling interes lamang nila ang kanilang iniisip kaya nila nagawang nakawin ang kaban ng bayan.

Bumuo nga ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si Junjun ngunit ayaw namang ilantad sa publiko kaya maraming nagdududa na mapupunta lamang sa wala ang kanilang isinasagawang imbestigasyon.

Maging si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay nagsabi na dapat bukas sa publiko ang imbestigasyon ng ICI.

Aniya, ipapasa rin naman ng ICI ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan, kung sino ang dapat kasuhan sa mga nasasangkot sa katiwalian.

 May nanawagan na rin ng Snap Election dahil sa kawalan ng tiwala sa mga nanunungkulan ngayon, kaya dapat palitan na ang mga ito.

                                                                                                                                                                           oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

78

Related posts

Leave a Comment