KATAPATAN SA BANDILA IGINIIT NG ‘ANG BUMBERO’

“IMPORTANTE sa bawat Pilipino ang katapatan sa ating bandila at sa ating bansa.”

Pahayag ito ni Dr. Jose Antonio “Ka Pep” Goitia, chairman Emeritus ng People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa KAPAYAPAAN at DEMOKRASYA (ABKD) at Liga ng Independencia sa Pilipinas (LIPI) matapos niyang kondenahin ang patuloy na pangangamkam ng bansang Tsina sa Palawan na itinuturing na bahagi ng Pilipinas batay sa pandaigdigang batas na pinapairal sa ilalim ng International Maritime Law o ang Law of the Sea.

Nanindigan si Goitia na tumatakbo rin bilang first nominee ng “Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list kasama ang libo-libong kasapi ng kanilang organisasyon na maituturing na paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas ang ginagawa ng Tsina.

Ang “Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list Numero 134 sa balota na kumakatawan sa mga bumbero, fire volunteers kasama ang PADER at LIPI ay tahasang kinokondena ang pagyurak sa dangal ng mga Pilipino.

“Isang malaking insulto sa ating mga Pilipino ang ginagawa ng Tsina dahil sa kanilang hindi makatuwirang pagsalungat sa mga pinaiiral na batas sa ilalim ng International Maritime Law (Law of the Sea) katulad ng paglalagay ng hindi wastong 9 dash line assertion,” ayon pa kay Goitia.

Binatikos din ni Goitia ang pagpapakalat ng Tsina ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng hindi pagkakaunawaan na maaaring pagsimulan ng kaguluhan sa aspetong soberanya, kalayaan sa nabigasyon at maging sa maayos na pangangalakal ng iba’t ibang bansa.

Sinang-ayunan din ni Goitia ang desisyon sa ilalim ng United Nations Convention on the Laws of the Sea (UNCLOS) na ang Palawan ay bahagi ng Pilipinas base na rin sa geographical na location nito ay sapat na ebidensya na nagpapatunay na ang Palawan ay isang hindi maihihiwalay na bahagi ng arkipelago ng Pilipinas. Maging ang mga tubig na nakapaligid dito kasama ang kanlurang dagat ng Pilipinas ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone at continental shelf ng Pilipinas.

“Napakaganda ng Palawan dahil sa taglay nitong likas na yamang dagat, mga reserbang langis at gas na gustong pakinabangan ng Tsina kaya gusto nila itong angkinin” ayon kay Goitia.

Ang Palawan ay isang archipelago na binubuo ng 1,780 na malalaki at maliliit na isla, bahagi ito ng MIMAROPA na kinabibilangan ng probinsya Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque at Romblon.

7

Related posts

Leave a Comment