ISANG grupo na mga tagasuporta ng dating bise presidente Leni Robredo, na kilala bilang “Kakampinks,” ay naglunsad ng bagong kilusan na tinatawag na IM15M, na naglalayong mailuklok sa Senado sina Kiko Pangilinan at Bam Aquino sa 2025 mid-term elections.
Ang IM15M, na hango ang pangalan mula sa 15 milyong Pilipinong bumoto kay Robredo sa halalan pangpanguluhan noong 2022, ay isang koalisyon ng iba’t ibang grupo kabilang ang Isang Mamamayan para kay Leni (IMKLENI), Leni Tanging Pagasa (LTP), Bankers for Leni, Youth for Leni, Bikers for Leni, at ang Robredo People’s Council (RPC).
Sa isang pulong pambalitaan, ang bawat lider ng sektor ng IM15M ay nagpahayag ng kani-kanilang mga pananaw at dedikasyon upang suportahan ang kandidatura nina Kiko-Bam, na ayon sa kanila ay tapat sa kanilang mga tungkulin bilang mga mambabatas at tumindig kasama nila sa Pink movement noong halalan ng 2022.
Idineklara ng grupo ang buong suporta para sa tandem nina Kiko Pangilinan at Bam Aquino, na parehong tumindig kasama ang kilusan noong 2022. Naniniwala sila na ang dalawang dating senador na ito ay sumasalamin sa mga ideyal ng “Angat Buhay” at napatunayan ang kanilang dedikasyon sa pagpapataas ng antas ng mga Pilipino, partikular na ang mga nasa marginalized na komunidad.
Ayon kay Elmer Argaño, IMKLeni secretary general, “naniniwala kami sa katatagan ng Pink Movement o Kakampink, na kahit natalo sa halalan sa pagkapangulo si Leni, nananatiling matatag ang kanilang diwa at pangako para sa makabuluhang pagbabago”.
Sumuporta at nagboluntaryo ang mga kasama sa programa ng Angat Buhay Foundation, isang non-profit na organisasyon na itinatag ni Leni Robredo, lahad ni Argaño.
Inilahad naman ni Nick Malazarte, kinatawan ng LTP Mindanao, bumabalot ngayon ang isang madilim na kalagayan sa bansa dahil sa alitan ng dalawang dating nagkakaisang political clan kaya napapanahon sa mga Kakampink na muling hawakan ang tanglaw na gagabay sa mamamayan patungo sa maliwanag na landas.
“Sama-sama nating isusulong ang ating dakilang misyon sa paghubog ng ating bansa kung saan ang katarungan, malasakit, at oportunidad ay para sa lahat at hindi lamang para sa iilan,” ayon kay Malazarte.
