CAVITE – Makaraang mabiktima ang dalawang doktor at isang engineer, isa namang negosyante ang naitalang biktima ng basag-kotse sa Dasmariñas City noong Martes ng hapon.
Kinilala ang biktimang si alyas “Michael”, 28, residente ng Barangay Sta. Rita, Olongapo City, Zambales habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek.
Ayon sa ulat, ipinarada ng biktima ang kanyang Ford Everest na may plakang CAI 2062, sa parking lot sa harap ng isang commercial center complex sa Paliparan Road, Brgy. Paliparan 1, Dasmariñas City, upang dumalo sa TESDA seminar.
Habang nasa seminar, narinig niyang nag-alarma ang kanyang sasakyan bandang alas-2:30 ng hapon subalit hindi niya pinansin.
Ngunit nang bumaba siya dakong alas-3:00 ng hapon ay nakitang basag na ang passenger side window ng kanyang sasakyan ay nawawala na ang itim na coach bag na nagkakahalaga ng P13,000, iPhone 16 Pro Max (P94,000) cash na P4,000, at iba’t ibang identification cards.
Magugunitang unang nabiktima ang sasakyan ng dalawang beterinaryo habang nakaparada sa harap ng isang restaurant sa Brgy. San Vicente 2, Silang, Cavite at natangay ang P70,000 cash at laptop, at sumunod ang sasakyan ng isang engineer na natangayan ng P60,000 halaga ng relo, at golf shoes, habang nakaparada sa harap ng isang bulaluhan sa Brgy. Biga 2, Silang, Cavite. (SIGFRED ADSUARA)
5