MAAYOS AT MAAASAHANG SERBISYO NG KURYENTE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAGULANTANG ang mga nasa España at Portugal kamakailan pagkatapos magkaroon ng matinding blackout sa Iberian Peninsula. Sa loob ng ilang segundo, bumagsak sa 10.5 gigawatts (GW) ang suplay ng kuryente mula sa 32 GW. Milyun-milyon ang naapektuhan nito dahil bukod sa kawalan ng ilaw, naantala rin ang transportasyon, at ang iba pang mga serbisyo kagaya ng telecommunications.

Kung sakaling natuloy ako sa aking biyahe, naranasan ko rin sana ang pangyayaring ito dahil ang mga kaibigan kong nasa Porto — isang siyudad sa Portugal, nagulat din mismo sa mga pangyayari. Normal lang namang nagkakaroon ng pagkaantala sa serbisyo ng kuryente, at nang mga oras na iyon nasa labas naman sila at nagliliwaliw. Dahil nawalan ng Internet, hindi nila agad nabatid kung gaano katindi ang naidulot ng insidente. Maliwanag naman noon, pero napansin nilang mahaba ang pila sa ATMs, at nagkaubusan ng paninda ang mga supermarket at iba pang tindahan.

Kwento nila, umabot ng 10 oras ang pagkawala ng serbisyo ng kuryente. Hindi naman sila masyadong nangamba, siguro nga dahil wala naman silang access sa Internet na talagang nakadaragdag ng pag-aalala. Ang host ng tinutuluyan nilang Airbnb, nagpadala na rin ng mensahe kung saan sila pwedeng magpunta kung kailangan nila ng tulong. Pero hindi rin nila agad nalaman ito dahil nawalan nga sila ng mobile service.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon tungkol sa insidente at napakarami nang usaping may kinalaman sa katatagan ng grid ng Iberian Peninsula. Hindi pa conclusive, at dahil hindi naman ako eksperto, nakabase lang din ang aking kaalaman sa kung anong nababasa ko. Para sa ating mga ordinaryong tao na gumagamit ng kuryente, pinatunayan ng insidenteng ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos at maaasahang serbisyo ng kuryente — na masisiguro lamang kung maayos din ang naturang energy system at infrastructure.

Kung nangyari nga ito sa first world countries, paano pa sa atin dito sa Pilipinas? Nakababagabag at nakababahalang posible pala na mangyari ang ganitong insidente na maka-aapekto sa napakaraming aspeto ng pamumuhay kagaya ng Internet, ospital, trapiko, trabaho, komunikasyon at kung ano-ano pa.

Pinatunayan din nitong pangyayaring ito ang importansya ng grid modernization at resilience na kasing-halaga ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente para kung may aberya, agad itong masasalo, mako-kontrol o mare-resolba para hindi maging malawakan ang hindi magandang epekto. Dapat din talagang isaalang-alang ang mga konsyumer sa gitna ng mga inobasyon at teknikal na mga solusyon. Kapag may ganitong insidente, mahalaga ring alam natin kung paano ipaliliwanag ito sa mga konsyumer, at alam din ng konsyumer ang mga pwede nilang gawin. Nariyan na tayo sa mahirap talaga ma-predict, pero siguro mayroon pa tayong pwedeng gawin para sa contingency planning upang hindi maparalisa kapag may mga ganitong emergency.

Nagsisilbing isang paalala ang nangyaring blackout sa España at Portugal na sa isang iglap lang, maaari tayong mabalot sa kadiliman. Sa panahong halos lahat ay digital na, hindi lang basta abala ang pagkawala ng kuryente kundi nagdudulot din ito ng kawalan ng stability at pangamba sa buhay at seguridad. Patunay lang ito kung gaano kahalaga ang serbisyo ng kuryente at ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga nagpapatakbo ng sektor na ito sa ating lipunan.

168

Related posts

Leave a Comment