CAVITE – Inoobserbahan sa ospital ang tatlong indibidwal na pinagbabaril habang bumibili ng pagkain sa isang tindahan sa Gen. Trias City noong Lunes ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas “Jayson”, 37; “Gerald”, 34; at “John Dave”, 34, pawang mga residente ng Brgy. San Francisco, Gen. Trias City.
Mabilis namang tumakas ang suspek na kinilalang si alyas “Boboy”, sakay ng isang motorsiklo.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-5:15 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Tropical Village Pabahay 2000, Barangay San Francisco.
Hindi pa mabatid kung may target ang suspek at nadamay lamang ang iba.
Mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang ginamit na armas habang isinugod naman sa General Trias Doctors Hospital at General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital ang mga biktima. (SIGFRED ADSUARA)
