THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NAPAKARAMING kumakalat na mga post sa social media tungkol sa mga pagmamalupit at pagsasamantala sa mga hayop.
Sa kabila ng pagsusulong ng mga kampanya at inisyatibang naglalayon na tratuhin ang mga hayop nang tama, para bang hindi pa rin matanggal sa maraming mga tao ang pagiging malupit sa mga nilalang na walang kalaban-laban.
Minsan, hindi naman intensyong pagmalupitan ang mga hayop. Mayroong mga insidente na nakatali lang naman ang aso — pero sa ilalim ng tirik na araw, walang tubig at halos buto’t balat na ang mga ito. At bilang mga tao, may obligasyon tayong siguruhin na mabuti ang kanilang kalagayan dahil tayo rin naman ang may kakayahang gawin ito.
Meron din naman talagang nakagagalit na mga insidenteng nagpapakita ng kahayupan ng mga taong dapat sana ay nagpapamalas ng pagmamahal at pagmamalasakit sa mga hayop. Marami pa ring nananakit at pumapatay nang hindi man lang iniisip na mali ang ganitong mga gawain.
Higit pa sa pagpapamalas ng awa ang pagtrato nang tama sa mga hayop. Mayroon din silang karapatang mabuhay nang matiwasay at bilang mga taong may isip, mayroon tayong responsibilidad na isaalang-alang ang kanilang kapakanan.
Mayroon na nga tayong batas laban sa pagmamalupit sa hayop—Republic Act No. (RA) 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998 na pinagtibay pa ng RA 10631. Kaya hindi optional o base sa kagustuhan lang natin kung paano natin ita-trato ang mga hayop. Bawal at labag sa batas ang animal cruelty. Maaaring maparusahan ang sinomang nambubugbog, nanggugutom, o nagpapabaya sa hayop.
May bago ding panukalang batas na layong palakasin pa ang proteksyon sa mga hayop. Isinusulong ni Senator Grace Poe ang Senate Bill No. 2458 na naglalayong higpitan ang mga regulasyon, palakasin ang pagpapatupad ng batas, at magpataw ng mas mabibigat na parusa sa mga lumalabag sa batas.
Kasama rin dito ang pagbuo ng isang Animal Welfare Bureau sa ilalim ng Department of Agriculture para tiyaking may ahensyang tututok sa kapakanan ng mga hayop.
Ilang beses na tayong may naririnig na balita ng hayop na pinahirapan. Kamakailan lang, may lumabas na insidente sa social media na may asong binaril, at isa pang tinadtad ng dart arrows. Nakagagalit talaga at dapat ay may masampolan na ang batas dahil tila hindi naman ito sineseryoso ng maraming tao.
Hindi rin tayo dapat tumigil sa pag-comment lang sa mga social media posts, at kailangang makiisa sa paglaban sa mga nagmamalupit sa hayop.
Kung sa social media nga nagagalit na tayo, paano pa kung mismong mga alaga natin ang makaranas ng ganito?
Kapag nakakita ng insidente ng pagmamalupit sa hayop, maaari ito agad i-report sa awtoridad. Kailangan lang ng detalyadong impormasyon tungkol sa insidente, kabilang ang lokasyon at uri ng pang-aabuso, para agad na maaksyunan.
Dapat ring panagutin ang mga salarin sa pamamagitan ng pagsampa ng pormal na reklamo sa pulisya at pagsisimula ng legal na proseso. Kapag nakikita ng mas maraming talagang naparurusahan ang mga may sala, makatutulong ito kahit papaano na maiwasan ang mga kaso ng pagmamalupit sa hayop.
Hindi sapat ang pag-tag, pag-share, at pagkomento sa social media. Kung kakilala mismo ang nag-post, maaaring himuking i-report din ito sa awtoridad para magkaroon ng aksyon at hindi matapos sa isang diskusyon sa social media lamang.
Bilang isang komunidad, dapat tayong magtulong-tulong para lutasin ang problemang ito at isulong ang maayos na pagtrato sa mga hayop.
Kung makikiisa ang bawat isa sa atin, maraming inosenteng buhay ang maaaring mailigtas mula sa pagdurusa at kalupitan.
