LAGYAN NA NG MGA GAMOT AT GAMIT LAHAT NG GOV’T HOSPITALS – CONG TULFO

ISUSULONG ngayong araw ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo at iba pang mga kasamahan sa Kongreso ang batas na magtatakda sa Department of Health (DOH) na lagyan na ng mga gamit at gamot ang lahat ng mga ospital ng pamahalaan sa buong bansa partikular na sa mga liblib na lugar.

Ang panukalang batas “Universal Medical Access and Equipment Act of 2025” ay ihahain ni Cong. Tulfo, kasama sina ACT-CIS Representatives Edvic Yap, Jocelyn Tulfo, Benguet Cong. Eric Yap at Quezon City Rep. Ralph Tulfo.

“Nakakasawa nang marinig mula sa mga kababayan natin lalo na yung sa mga probinsya na walang gamit at gamot ang ospital nila,” ani Tulfo na House Deputy Majority Leader din.

Ayon sa mambabatas, “Ang problema kasi ang pinopondohan lang ng DOH ay yung mga ospital na under sa kanila na mga malalaking ospital tulad ng Lung Center, NKTI, East Ave Medical at iba. Pero pag ang ospital under sa LGU, yun ang kawawa dahil hindi na sakop ng DOH funding kaya kulang-kulang o walang gamit at mga gamot lalo na pag yung ospital manage ng mahirap na LGU.

Aniya pa, anong silbi ng mga ospital sa probinsya o munisipyo kung wala namang gamit o gamot. Karamihan sa mga ospital sa mga probinsiya o munisipyo bukod sa walang gamot, ay walang basic na gamit tulad ng X-ray, ECG machine, at ultrasound.

“With this bill, lahat ng government hospital, whether hawak ng national government o LGU, kailangan bilihan ng gamit at gamot ng DOH through their medical assistance for indigent and financially incapacitated patients o MAIFIP funds,” ani Tulfo.

Pahabol pa ng mambabatas, kung kailangan dagdagan ang pondo ng DOH sa susunod na taon para dito, susuportahan daw niya. “Kaysa mapunta sa mga walang mga katuturan na proyekto, bakit hindi pa sa gamot at medical equipment,” aniya.

36

Related posts

Leave a Comment