HINIMOK ni Senate Majority Leader Migz Zubiri si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mas agresibong labanan ang mga manipulator at smuggler ng karne ng baboy, gayundin ang umano’y sobrang pag-angkat nito sa bansa.
Sa gitna ng budget hearing, hinamon ni Zubiri ang kalihim na ipakita ang matatag na pamumuno laban sa predatory pricing at huwag matakot na kumilos laban sa mga sangkot sa smuggling.
Sinabi naman ni Tiu Laurel na maaari niyang pansamantalang suspindihin sa loob ng 60 araw ang pag-angkat ng kasim, pigue at belly, o ihinto muna ang pag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSIC).
Nagpahayag ng pagkabahala ang senador dahil nahihirapan ang libo-libong backyard hog raiser sa pagbagsak ng presyo ng kanilang mga alagang baboy sa farmgate, kahit nananatiling mataas ang presyo ng karne sa mga pamilihan.
Hinimok din ni Zubiri ang kalihim na magsagawa ng regular na inspeksiyon sa mga pampublikong pamilihan at tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran, lalo na laban sa abusadong pagtataas ng presyo.
Ayon kay Zubiri, 20 porsyento ng mga pork producer sa bansa ay malalaking kumpanya, habang 80 porsyento ay maliliit na backyard farmer na nanganganib malugi dahil sa kasalukuyang kalagayan ng industriya.
Mula sa P186 kada kilo noong 2024, bumagsak sa P90 hanggang P120 kada kilo ngayong taon ang farmgate price ng baboy, samantalang nasa P130 hanggang P140 kada kilo ang tinatayang gastos sa produksyon.
Dahil dito, napipilitang magpatakbo nang palugi ang maraming maliliit na magbababoy.
(DANG SAMSON-GARCIA)
158 