UMALMA at gumanti sa mga patutsada si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela laban kay dating National Security Adviser (NSA) Clarita Carlos matapos siyang murahin at sabihang tumahimik na lamang kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea (WPS).
Hindi na nakapagpigil si Tarriela sa mga banat ni Carlos matapos nitong sabihan ang opisyal na takpan ng duct tape ang kanyang bibig habang ipinagtatanggol ang naunang pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan tungkol sa lakas ng militar ng China.
Nagsimula ang girian nang ihayag ni Prof. Carlos sa panayam sa Morning Matters ng One News noong Oktubre 21, 2026, ang kanyang matinding galit kay Tarriela dahil sa mga pahayag nito tungkol sa WPS.
Tinawag ni Carlos na “troublemaker” si Tarriela at sinabihan ng: “Shut the f*ck up, Tarriela! Get duct tape and cover your mouth with that duct tape.”
Ayon kay Tarriela, tinuruan siya ng kanyang mga magulang na huwag magsalita nang masama laban sa mga nakatatanda, ngunit napilitan siyang tumugon matapos umabot sa pagmumura ang mga banat ni Carlos.
Nag-ugat ang alitan sa pagpuna ni Tarriela sa pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na madaling mananalo ang China kung gagamit ito ng puwersa, na itinuring ng PCG spokesperson na isang direktang banta.
Para naman kay Carlos, namisquote lamang umano ang ambassador at iginiit na dapat isama ang bahagi ng pahayag nito tungkol sa kapayapaan upang maunawaan ang buong konteksto.
Binigyang-diin din ni Carlos na ang patakarang panlabas ng bansa ay dapat magmula sa Pangulo at sa Department of Foreign Affairs (DFA), at hindi kay Tarriela.
Sinabi pa ni Tarriela na ipinakita lamang ni Carlos sa mga naging pahayag nito kung bakit hindi nagtagal ang dating opisyal bilang National Security Adviser. Giit niya, mas galit pa umano ito sa kanya kaysa sa China.
Ayon din kay Tarriela, wala umanong ginawa si Carlos noong nanunungkulan itong NSA upang ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa WPS.
Nagpakawala rin ng patutsada si Tarriela kaugnay ng umano’y dating paghingi ni Carlos ng suporta sa kanya.
“Wondering bakit mo ako bina-bad mouth ngayon. Pero na-realize ko rin: siguro kailangan mo talaga ng support, ang mahal na kasi ng diesel. Pasensiya na, ma’am, di ko na po kayo nabigyan ng gas slips,” pahayag ni Tarriela.
(JESSE RUIZ)
124 