NAGHAIN ng reklamong administratibo sa National Police Commission ang isang babae laban sa kanyang kinakasamang police staff sergeant dahil sa umano’y paulit-ulit na pang-aabusong pisikal at emosyonal.
Sinabi ng nagrereklamo na nagtatago sa alyas na “Kara”, anim na taon na silang magkasama ng pulis, at nagsimula umano ang pang-aabuso noong 2022.
“Physically, emotionally, tsaka mentally. Paulit-ulit na pambubugbog sa akin,” ani Kara.
Sinasabing nagprisinta ang biktima ng CCTV footage na nagpapakita ng ilang insidente na naganap sa loob ng tatlong taon.
Kasama sa mga video na isinumite bilang ebidensya, ang mga recording ng pagsuntok at pagsipa sa kanya ng pulis matapos ang pagtatalo tungkol sa nasirang mobile phone.
“Kinukuha ko ‘yung pambayad ng cellphone ko that time na sinira niya. Tapos ayaw niyang ibigay kaya ayan na ‘yung nangyari. Sobrang galit niya sa akin,” pagbabalik-tanaw ni Kara.
Naghain din si Kara ng reklamong kriminal laban sa pulis sa Pasay City Police Station.
Sinabi ng Inspection, Monitoring and Investigation Service ng NAPOLCOM, sisimulan nito ang paunang pagsusuri sa reklamong administratibo at mga ebidensyang isinumite ni Kara.
“Magkakaroon ng due process. Requiring him to submit his answer,” pahayag ni Edman Pares, ang staff service director ng ahensya.
“Pagkatapos noon, aalamin namin kung may probable cause ba o wala para pormal siyang kasuhan,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni NAPOLCOM Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Calinisan, maaaring maharap sa preventive suspension ang pulis habang dinidinig ang kaso.
Ayon kay Calinisan, naiulat na inalis na sa kanyang kasalukuyang tungkulin ang pulis at inilagay sa restrictive custody.
“We will dismiss him, we will just go through the process,” ani Calinisan.
“I don’t think there’s an excuse for someone hitting a female multiple times at naka-uniporme pa,” dagdag niya.
Ipinatawag ng NAPOLCOM ang pulis na humingi ng tawad at umamin na nagkamali siya.
Ibinintang niya ang kanilang madalas na pagtatalo sa pagseselos at sinabing handa siyang harapin ang mga kahihinatnan ng kanyang mga aksyon.
Binigyang-diin ni Calinisan na itataguyod ng komisyon ang kaso sa pamamagitan ng tamang proseso, at idinagdag na ang mga paratang ay naglalabas ng mga seryosong tanong tungkol sa kakayahan ng pulis na maglingkod sa puwersa ng pulisya.
(JESSE RUIZ)
98 