KAWANI NG RIZAL SECURITY, ARESTADO SA PAMAMARIL SA MISIS

DINAKIP ng mga awtoridad ang isang miyembro ng Provincial Security Group ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal matapos umanong barilin ang kanyang asawa sa Barangay San Roque, Antipolo City, nitong Huwebes.

Batay sa paunang ulat, nangyari ang insidente dakong alas-11:45 ng umaga at iniulat sa mga awtoridad bandang ala-1:50 ng hapon.

Ang biktimang kinilalang “Lyn,” nasa hustong gulang at residente ng Taytay, Rizal, ay isinugod sa ospital matapos tamaan ng ilang bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nagmula ang insidente sa pag-uusap ng mag-asawa sa Human Resources Office ng Rizal Provincial Government hinggil sa kanilang kasunduan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa tulong pinansyal sa kanilang mga anak.

Matapos ang pag-uusap, bumalik ang suspek sa kanyang nakatalagang puwesto sa harap ng Ynares Center Gate. Nang makita umano ang biktima, bumunot ito ng baril at pinagbabaril ang babae.

Agad na rumesponde ang mga pulis sa tulong ng Rizal Provincial Government Security Group at nadakip ang suspek. Narekober din ang baril na ginamit sa pamamaril.

Itinuturing na frustrated murder ang kaso. Humingi na rin ng tulong ang Antipolo Component City Police Station sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa masusing pagsusuri sa pinangyarihan ng insidente.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.

(KNOTS ALFORTE)

87

Related posts

Leave a Comment