Bilang paghahanda sa Undas SPECIAL PERMIT PARA SA 1,131 BUS INAPRUBAHAN NG LTFRB

INAPRUBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga special permit para sa 1,131 pampasaherong bus upang matiyak ang sapat na transportasyon sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Undas 2026.

Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang sapat na pampublikong transportasyon sa panahon ng Undas, sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez.

Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., ang 1,131 bus na nabigyan ng pahintulot ay bahagi ng 384 na aplikasyon para sa special permit na naaprubahan na.

Mayroon pang 28 aplikasyon na kasalukuyang sinusuri, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 90 bus.

Sinabi ni Pua na mahigpit na sinusuri ng LTFRB ang mga bus na bibigyan ng special permit upang matiyak na ligtas ang mga ito para sa malalayong biyahe.

“Hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada,” pahayag ni Pua.

Nauna nang inihayag ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na inaasahan nito ang mahigit 1.9 milyong pasahero ngayong Undas, kabilang ang mga maglalakbay mula Metro Manila patungo sa katimugan at hilagang bahagi ng Luzon at pabalik.

Inaasahan din ang mga biyahero patungo sa iba’t ibang lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay Pua, nangangailangan ng sapat na bilang ng mga bus ang inaasahang pagdami ng mga pasahero upang matugunan ang pangangailangan ng mga manlalakbay.

Saklaw ng mga naaprubahang special permit ang mga rutang papunta at pabalik ng Maynila mula sa iba’t ibang lalawigan at pangunahing urban area sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Samantala, sinabi ni LTFRB Executive Director Atty. John Paul Allen M. Victa na 1,080 sa mga naaprubahang bus ang mula sa Metro Manila.

Kabilang dito ang 402 yunit para sa rutang Metro Manila–Hilagang Luzon, 290 para sa Metro Manila–Gitnang Luzon, 185 para sa Metro Manila–Katimugang Luzon at 61 para sa Metro Manila–Bicol.

Inaprubahan din ang 19 na yunit para sa rutang Metro Manila–Silangang Visayas, 13 para sa Metro Manila–Kanlurang Visayas at 10 para sa Metro Manila–Mindanao.

(PAOLO SANTOS)

97

Related posts

Leave a Comment