PEKENG SHOOTING REPORT SA CAVITE UNIVERSITY, PINAIIMBESTIGAHAN NG PNP

INATASAN ni PNP chief PGen. Melencio Nartatez Jr. ang Dasmariñas Component City Police Station (CCPS) na tukuyin kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng ulat hinggil sa umano’y mass shooting sa isang unibersidad sa Dasmariñas City, Cavite.

Nag-viral sa social media nitong Huwebes ang impormasyon na umano’y naganap ang pamamaril sa De La Salle University-Dasmariñas noong Oktubre 1.

Agad na nagsagawa ng beripikasyon ang Dasmariñas CCPS at napag-alamang walang naganap na mass shooting sa naturang unibersidad.

Kinondena ni PGen. Nartatez ang pagpapakalat ng maling impormasyon na nagdulot ng pangamba at kalituhan sa mga estudyante, magulang at publiko.

Pinalalakas naman ng Dasmariñas CCPS ang cyberpatrol operations habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at digital tracing upang matukoy ang pinagmulan ng pekeng impormasyon.

Samantala, nilinaw ng pulisya na hiwalay ang naturang shooting report sa pagkakadiskubre ng isang labi sa loob ng sasakyan noong Setyembre 30 sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute sa Barangay Burol Main.

Kaugnay nito, patuloy ding iniimbestigahan ng pulisya ang natanggap na mensahe hinggil sa banta ng mass shooting sa isang kilalang unibersidad sa Barangay Burol 1, Dasmariñas City, Cavite, nitong Huwebes ng umaga.

Batay sa ulat, isang security officer ang nakatanggap ng impormasyon mula sa Director of the General Services Office hinggil sa mensaheng ipinadala ng hindi nakikilalang lalaki sa isang social media platform.

Naglalaman ang mensahe ng banta ng mass shooting laban sa mga estudyante, guro at iba pang nasa unibersidad.

Natanggap ng Dasmariñas CCPS ang sumbong bandang alas-9:15 ng umaga at agad na nagsagawa ng dokumentasyon, beripikasyon at iba pang kaukulang hakbang. Kabilang dito ang pakikipanayam sa ilang estudyante at pakikipag-ugnayan sa Regional Anti-Cybercrime Group 4 (RACG4) para sa digital tracing at backtracking upang matukoy ang pinagmulan ng mensahe.

Nagpakalat din ng mga pulis sa paligid ng unibersidad bilang bahagi ng security measures habang isinasagawa ang beripikasyon.

Sa inilabas na pahayag ng Dasmariñas CCPS, sinabi nitong masusing bineripika at inimbestigahan ng kanilang Investigation Section ang iniulat na mass shooting ngunit walang nakitang factual basis upang patunayan na naganap ang insidente.

Hinimok naman ng pulisya ang publiko na huwag magbahagi o mag-repost ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang pangamba at kalituhan.

Habang sinusulat ang ulat, walang naitalang mass shooting sa naturang lugar.

(Ulat nina TOTO NABAJA at SIGFRED ADSUARA)

83

Related posts

Leave a Comment