AGAP PARTY-LIST, PINATUTUTUKAN SA PALASYO AT BOC ANG UMANO’Y “HUGAS-TAWAS” SA FROZEN PORK

UMAAPELA si AGAP Party-list Representative Nicanor “Nikki” Briones kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Bureau of Customs (BOC) na seryosohin ang isyu ng umano’y “hugas-tawas” sa frozen pork meat, kasabay ng kanyang panawagan na tugunan ang epekto ng sobrang pag-angkat ng karne ng baboy sa lokal na industriya.

Sa isang press conference sa Maynila, sinabi ni Briones na may umano’y palihim na paraan sa ilang cold storage facility kung saan hinuhugasan ng tawas ang karne ng baboy upang mapanatili itong mukhang sariwa bago ibenta sa merkado.

Pangamba ng mambabatas, maaaring maging sanhi ng sakit ang kontaminadong karne, kabilang ang mga produktong nakaimbak sa cold storage facility na ni-raid sa Marikina City noong Hulyo 2026, kung saan nasa 20 tonelada ng karne ang nasabat.

Binigyang-diin din ni Briones ang pagkalugi ng mga hog raiser dahil sa mababang farmgate price at pagdami ng imported pork.

Ayon kay Briones, nasa P130 hanggang P140 kada kilo ang farmgate price sa ilang lugar, habang umaabot naman sa P180 hanggang P190 kada kilo ang production cost.

Tinatayang umaabot sa P250 milyon kada araw ang lugi ng hog raisers nationwide, ayon kay Briones.

Dahil dito, iminungkahi niyang itaas ang tariff sa imported pork mula sa kasalukuyang 15% in-quota at 25% out-quota sa ilalim ng Executive Order No. 62, tungo sa 30% at 40%, ayon sa pagkakasunod.

Giit ni Briones, hindi na dapat hintayin ang nakatakdang phased increase sa mga susunod na taon at dapat ding suriin ang paggamit ng mekanismo sa ilalim ng Republic Act No. 8800 o Safeguard Measures Act.

Kabilang pa sa kanyang mga panawagan ang mahigpit na shipping permits at ASF testing para sa imported pork, reclassification ng pork jowls, paggamit ng aktuwal na transaction value bilang reference, paglilimita sa MDM import permits para sa meat processors at paglalagay sa red lane ng imported pork offals para sa masusing inspeksyon.

Nanawagan din si Briones ng “kamay na bakal” laban sa technical smuggling, kabilang ang misdeclaration, misclassification at undervaluation sa mga shipment.

Giit ng mambabatas, kailangan ang agarang aksyon upang maprotektahan ang mga hog raiser habang napapanatiling ligtas at abot-kaya ang karne para sa mga mamimili.

(JULIET PACOT)

81

Related posts

Leave a Comment