NAGLABAS ng seryosong babala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa paggamit ng mga vaping product o vape juice na hinaluan umano ng Etomidate, isang gamot na ginagamit bilang general anesthetic.
Kasunod ito ng serye ng operasyon kung saan nakumpiska ng mga awtoridad ang mga e-cigarette at liquid pod refill na naglalaman umano ng naturang kemikal.
Pinag-iingat ng PDEA ang publiko laban sa mga ilegal na vaping product na may halong mapanganib na kemikal at patagong ibinebenta sa merkado gamit ang mga bansag na “Space Oil,” “Zombie Vapes” at “Kpods.”
Ang Etomidate ay isang general anesthetic na ginagamit ng mga lisensyadong doktor o medical professional bilang bahagi ng proseso ng pagpapa-anesthesia sa pasyente bago ang operasyon.
Ayon sa mga awtoridad, maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan ang paggamit nito sa pamamagitan ng vape, kabilang ang pagkahilo, pagkalito at iba pang masamang epekto.
Dahil sa banta ng mga drug-laced vape, kabilang ang mga produktong may halong Etomidate, marijuana oil at synthetic cannabinoids, pinalalakas ng PDEA ang pakikipagtulungan sa mga ahensya tulad ng Department of Trade and Industry (DTI) upang matukoy at mapatigil ang pagbebenta ng mga kontrabandong vape product sa mga physical at online store.
Hinimok ng mga awtoridad ang publiko, lalo na ang mga kabataan, na iwasan ang pagbili at paggamit ng mga hindi awtorisadong vape liquid upang maiwasan ang panganib sa kalusugan.
Samantala, mahigit P1.4 bilyong halaga ng puslit na vape products ang winasak ng Bureau of Customs (BOC) matapos ang malaking pagkakasamsam ng smuggled vape products sa isang operasyon ng ahensya.
Ayon sa BOC, aabot sa 3,174 kahon ng vape devices at pods na may tatak na Chillax, Black Bar at Shift ang isinailalim sa condemnation at tuluyang winasak.
Tinatayang nasa P1.428 bilyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto na walang nakikitang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps.
Nakumpiska ang mga vape product sa isang warehouse sa Maynila kasunod ng intelligence information at joint operation ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Isinagawa ang 100% physical examination at inventory sa shipment bago ito isinailalim sa seizure proceedings.
(JESSE RUIZ)
123 