PITO, PATAY SA TUNNEL SA BENGUET

NASAWI ang pitong kalalakihan matapos umanong makalanghap ng nakalalasong gas sa loob ng isang tunnel sa Sitio Dontog, Barangay Ampucao, Itogon, Benguet.

Ayon sa ulat na inilabas ng Provincial Government of Mountain Province sa social media noong Setyembre 30, 2026, natagpuan ang pitong biktima sa loob ng isang tunnel portal sa Sitio Bontog.

Unang iniulat ng isang saksi ang insidente noong gabi ng Setyembre 30, dahilan upang agad na rumesponde ang mga rescue team para sa retrieval operations.

Bandang alas-11 ng umaga noong Oktubre 1, 2026, matagumpay na narekober ng mga rescuer ang mga labi ng pitong biktima at idineklarang wala nang buhay sa pinangyarihan.

Anim sa mga nasawi ay mula sa Barangay Bana-ao, Tadian, Mountain Province. Sila ay sina Bryan Campoas Madrid, Kenjie Ingaan Mangayen, Orviel Kiwingan Valdez, Crisanto Ingaan Gapacan Jr., Hill Limong Padon, at Alvin Lazaro Daniel.

Ang ikapitong biktima ay si Leonardo Bacuteng Pino mula sa Cagayan Valley.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung gas poisoning ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Provincial Government of Mountain Province sa mga naulilang pamilya at nangakong magbibigay ng kinakailangang suporta at tulong sa mga ito.

“We stand in quiet solidarity and prayer with the families and the people of Tadian. The Provincial Government remains committed to providing the necessary support and assistance during this difficult time,” pahayag ng pamahalaang panlalawigan.

(JESSE RUIZ)

76

Related posts

Leave a Comment