EX-BFP CHIEF, NAGHAIN NG NOT GUILTY PLEA SA UMANO’Y P14-M SUHOL

NAGHAIN ng not guilty plea nitong Biyernes ang dating Bureau of Fire Protection (BFP) Director Jesus Fernandez sa mga kasong graft kaugnay ng umano’y pagtanggap ng suhol sa pagbili ng mga ambulansya.

Nagpasok ng plea si Fernandez sa harap ng Sandiganbayan Third Division, na pinamumunuan ni Associate Justice Ronald Moreno, kaugnay ng alegasyon na tumanggap siya ng pera mula sa isang pribadong indibidwal para sa pagbili ng 132 ambulansya na nagkakahalaga ng P485 milyon.

Nag-ugat ang mga sakdal sa umano’y maanomalyang pagbili noong 2024 ng 132 Type I Basic Life Support ambulances na nagkakahalaga ng P485 milyon.

Nahaharap din si Fernandez sa mga kasong graft at indirect bribery sa Sandiganbayan Fourth Division dahil sa umano’y P10 milyong suhol na natanggap noong Nobyembre 21, 2024, gayundin sa hiwalay na kasong indirect bribery sa Fifth Division.

Nagmula ang mga kaso sa reklamong inihain ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos ang fact-finding investigation ng Task Force BFP Accountability sa kontrata ng ambulansya.

Iginawad ang kontrata sa Toyota Mabolo, na nakipag-joint venture sa Autozone Prime Distributors, Inc.

Diumano’y nagpadala ang kinatawan ng joint venture na si Rosaverna Sangga ng kabuuang P14.75 milyon kay Fernandez, na noo’y chairman ng Bids and Awards Committee (BAC).

Maghaharap ang prosecution ng hanggang siyam na testigo sa pagsisimula ng paglilitis sa Oktubre 21, kabilang ang isang miyembro ng BAC secretariat, isang fire inspector at kinatawan ng joint venture.

Samantala, inaasahang maghaharap naman ang depensa ng hanggang apat na testigo.

(JESSE RUIZ)

125

Related posts

Leave a Comment