P6.7M MISDECLARED CHICKEN SHIPMENT, NASABAT SA PORT OF SUBIC

NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Subic ang frozen chicken meat mula Hongkong na nagkakahalaga ng P6.669 milyon matapos itong ideklarang cooked tofu.

Isinagawa ang pagkakasabat kasunod ng pinaigting na kampanya ng BOC laban sa agricultural smuggling at customs fraud.

Ang shipment ay nasa loob ng isang 40-foot container at idineklarang cooked tofu, ngunit na-flag para sa inspeksyon matapos makatanggap ng intelligence information na posibleng naglalaman ito ng frozen o processed food products at iba pang agricultural commodities.

Sa pagsusuri, nadiskubre ang 1,380 karton ng frozen chicken breast at 174 karton ng frozen fish tofu, na taliwas sa idineklarang laman ng shipment.

Matapos ang pagkakadiskubre, inirekomenda ang pag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) dahil sa posibleng paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009, Food Safety Act of 2013 at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

“Ang Port of Subic ay nananatiling matatag sa tungkulin nitong protektahan ang ating mga hangganan at tiyaking sumusunod sa batas at regulasyon ng customs ang lahat ng shipment na pumapasok sa bansa. Ang bawat interception ay paalala sa ating responsibilidad na pangalagaan ang lehitimong kalakalan at protektahan ang interes ng sambayanang Pilipino,” pahayag ni Port of Subic District Collector Atty. Geniefelle P. Lagmay.

Sinabi naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ipinakikita ng pagkakasabat na nananatiling nakatutok ang BOC sa mandato nito sa kabila ng mga ipinatutupad na reporma sa organisasyon.

Nagbigay rin ng mahigpit na babala si Nepomuceno sa mga smuggler at sa mga nagpoprotekta sa kanilang ilegal na operasyon.

Bahagi ang pagkakasabat sa pinaigting na kampanya ng BOC laban sa smuggling at iba pang customs violations, alinsunod sa Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement ng ahensya.

(JOCELYN DOMENDEN)

73

Related posts

Leave a Comment